Home Headlines 222 lugar sa Bulacan, nakabitan na ng libreng internet ng DICT  

222 lugar sa Bulacan, nakabitan na ng libreng internet ng DICT  

1054
0
SHARE

Umaabot na sa 222 mga lugar sa Bulacan ang napakabitan ng libreng WiFi ng Department of Information and Communications Technology. (DICT)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — Umaabot na sa 222 mga lugar sa Bulacan ang napakabitan ng libreng WiFi ng Department of Information and Communications Technology o DICT.

Ayon kay DICT Provincial Head Mario Antonio Aya-ay, pagpapatupad ito sa Republic Act 10929 o Free Public Internet Access Act.

Layunin nito na maparami at mapabilis ang koneksyon ng publiko sa internet para makatulong sa edukasyon at ekonomiya.

Kabilang sa mga lugar na napakabitan ang mga condominium unit ng National Housing Authority sa lungsod ng San Jose Del Monte na may apat nay unit na tig-100 mbps.

Ganito rin kalakas ang inilagay na internet sa Local Governance Building ng Kapitolyo sa Malolos.

Ang munisipyo ng San Miguel, mga kalapit na parke at plaza ay may tig-90 mbps na naikabit na internet habang tig-79 mbps ang lakas ng koneksyon sa munisipyo ng Hagonoy at sa plaza ng bayan.

Pumapalo naman sa tig-63 mbps ang internet sa munisipyo ng Calumpit at sa harapan nitong parke.

Sa Guiguinto, tig-57 mbps ang ikinabit sa munisipyo at dalawang bahagi ng town plaza nito.

Tig-54 mbps naman ang lakas ng internet sa munisipyo at plaza ng Pulilan gayundin sa San Rafael Government Center at sa lumang kabayanan habang 45 mbps sa munisipyo at plaza ng Bulakan.

Nagkaroon din sa mga malilit na mga bayan. Ang munisipyo ng Pandi at town plaza nito ay mayroon nang 42 mbps, 41 mbps sa munisipyo at plaza ng Balagtas, 39 mbps sa munisipyo ng Bustos at malawak na town plaza nito, 35 mbps sa munisipyo ng Angat at 32 mbps sa munisipyo ng Paombong.

May partikular na dalawang sets na 30 mbps na koneksiyon ng internet sa barangay hall ng Camachile sa Donya Remedios Trinidad.

Tig-25 mbps naman ang ikinabit sa iba’t ibang sites sa mga barangay ng Paradise at San Isidro sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Ganito kalakas din ang ikinabit na internet sa mga barangay ng Norzagaray sa San Mateo, Baraka, Bangkal, Matictic at Pinagtulayan.

Nagkaroon naman ng 15 mbps na internet ang mga istasyon ng Pulis at Bumbero sa Bulakan at Calumpit.

Sa larangan ng edukasyon, tig-10 mbps na lakas ng internet ang ikinabit sa nasa tig-dalawa hanggang apat na sites sa bawat pampublikong pamantasan.

Kabilang diyan ang Bulacan Polytechnic College sa Angat, Malolos, Pandi at San Miguel campuses.

Kagaya rin nito ang lakas ng internet na inilagay sa Bulacan State University Meneses sa Bulakan, Bustos, Malolos, Sarmiento sa San Jose Del Monte at Hagonoy campuses; Baliwag Polytechnic College; Polytechnic College of the City of Meycauayan; Bulacan Agricultural State College San Ildefonso at Donya Remedios Trinidad campuses; Pambayang Dalubhasaan ng Marilao; Norzagaray College; at ang mga campuses ng Polytechnic University of the Philippines sa Pulilan at Santa Maria.

Sa Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos, apat na sets ng tig-10 mbps na internet ang ikinabit gayundin sa mga ospital na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.

Kabilang dito ang Rogaciano Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria, San Miguel District Hospital, Emilio G. Perez Memorial District Hospital sa Hagonoy, Baliwag District Hospital, Gregorio Del Pilar District Hospital sa Bulakan, Calumpit District Hospital at Bulacan Medical Center.

Iba pa rito ang apat na sets ng tig-10 mbps na internet sa Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte na pinapatakbo ng pamahalaang lungsod at sa Ospital ng Guiguinto na ang nangangasiwa ay ang munisipyo.

Samantala, nagsimula na ang DICT na magkabit sa mga pampublikong paaralan kung saan nasa tig-4 hanggang 10 mbps ang lakas ng internet.

Matatagpuan ito sa Lagundi Elementary School sa Plaridel, San Roque National High School sa Paombong, Paco Elementary School at San Pascual Elementary School sa Obando, mga elementary schools sa Abangan Norte at Sur sa Marilao, Hangga Elementary School sa Hagonoy, mga elementary school sa Longos at Calumpang sa Calumpit, Camachilihan Elementary School at Bustos Central School sa Bustos, San Francisco Xavier Elementary School sa Bulakan, at ang Cong. Erasno R. Cruz Memorial Central School at Tambubong Elementary School sa Bocaue.

Target ng DICT na makumpleto ang Free Public Internet Access Program sa bansa sa taong 2023.

Prayoridad dito ang tanggapan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal at lokal, mga pampublikong paaralan, kolehiyo at pamantasan, mga pampublikong paaralan, mga rural health unit, mga pampublikong parke at plaza, mga pampublikong aklatan at mga terminal ng pampublikong transportasyon. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here