22 estudyante nilagnat, klase sinuspinde

    374
    0
    SHARE
    JAEN, Nueva Ecija – Pansamantalang sinuspinde ang klase sa isang pampublikong paaralan dito noong Biyernes matapos umabot sa 22 mag-aaral ang dapuan ng lagnat.

    Ayon kina Mayor Santy Austria at Ruperto Castro, principal ng Hilera Elementary School sa Barangay Hilera, Jaen, nagdesisiyon silang huwag papasukin ang mga bata noong Biyernes upang maiwasan na makahawa pa ang mga nagkaroon ng karamdaman.

    Ayon kay Austria, bagama’t walang palatandaan ng mas malubhang karamdaman, mabilis na inaksiyunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng paracetamol at Vitamin C sa mga ito.

    Unang nilagnat noong Huwebes ang may 15 mag-aaral sa grade 6, ayon sa principal. Noong Biyernes, tumaas pa ang bilang ng mga nilalagnat bukod sa ibang nagkaroon ng ubo at sipon.

    Nilinaw naman ni Dr. Benjamin Lopez, provincial health officer ng Nueva Ecija, na walang kinalaman sa kinatatakutang Influenza A(H1N1) ang naturang hakbang.

    Ayon sa duktor, lumalabas, na karaniwang lagnat lamang ang naranasan ng mga bata.

    Tiniyak ni Austria na laging may imbak na gamot ang local na pamahalaan kaya’t mabilis itong makaka-aksiyon kung kinakailangan.

    Pinangasiwaan ng municipal health office (MHO) at Rural Health Unit (RHU) ang pagtingin sa mga mag-aaral.

    Ayon kay Dr. Milgrace Santos, rural health officer, sinundan nilang mabuti ang kaso at wala silang nakitang palatandaan ng A(H1N1).

    Aniya, posible na nagkakahawa-hawa lamang ang mga mag-aaral dahil magkakasama sila sa iisang silid-aralan.

    Ayon kay Lopez, walang dapat ikabahala ang mga residente.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here