LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng 216 na pabahay sa mga Bataeñong inilikas mula sa kahabaan ng ilog ng Talisay sa lungsod ng Balanga.
Sila ngayon ay residente na ng 1Bataan Village sa Barangay Tenejero, lungsod ng Balanga na bahagi ng malawakang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Binigyang diin ng Pangulo na hindi lamang pagkakaloob ng bagong bahay ang tinupad ng pamahalaan.
“Bahagi ng katungkulan natin na mailikas muna sa delikadong lugar tulad ng daluyan ng ilog. Nagsikap po ang gobyerno na mabigyan sila ng maayos at ligtas na tahanan na matatawag nilang sarili,” aniya.
Sa Phase 1 ng 1Bataan Village ay aabot sa 216 na mga bagong tayong yunit ang maaari nang tirahan. Matatagpuan ito sa anim na tatlong palapag na gusali na may tig-36 yunit ang bawat isa.
May laking 27 metro kuwadrado ang isang yunit na may dalawang kwarto, sala, kusina, palikuran at labahan. Kumpleto ito sa linya ng kuryente at suplay ng malinis na tubig.
Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P259.9 milyon na bahagi ng P250 bilyong inilaan ng Pag-IBIG Fund para sa 4PH ng administrasyong Marcos habang ang pinangasiwaan ng National Housing Authority ang pagtatayo ng mga istraktura.
Ipinaliwanag ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang 1Bataan Village ay isang modelo ng tunay na kahulugan ng konsepto ng human settlement na bukod sa pabahay, pinapatayuan din ito ng mga pasilidad na tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga magsisitira.
Kaugnay nito, ibinalita ni Mayor Francis Anthony Garcia na mayroon ding itinayo ang pamahalaang lungsod na isang Community Center sa loob ng 1Bataan Village na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Pinagsama-sama sa pasilidad na ito ang Health Center, Day Care Center, Barangay Learning Hub, tanggapan ng magiging Homeowners’ Association, at satellite offices ng pamahalaang lokal.
Nagpatayo rin ang pamahalaang lungsod ng isang apat na palapag na gusaling pampaaralan na may 20 mga silid-aralan na nagkakahalaga ng P58 milyon mula sa Special Education Fund.
Iba pa rito ang Water Supply Project Phase II na inilagay ng Department of Public Works and Highways sa halagang P4.8 milyon.
Samantala, umaasa si Governor Jose Enrique Garcia III na ang 4PH ang tutugon sa nasa 60 libo pang kailangang mapagkalooban ng pabahay sa lalawigan.
Bukod sa itinayong 1Bataan Village sa Barangay Tenejero, mayroon ding ginagawang Mt. Samat Ville sa Barangay Upper Tuyo sa lungsod din ng Balanga na ilalaan para sa mga kasundaluhan at kapulisan.
Mayroon ding 1Bataan Village sa Barangay Daan Pare sa bayan ng Orion at Mariveles Heights sa Barangay Cabcaben sa bayan ng Mariveles. (CLJD/SFV-PIA 3)