Home Headlines 21,553 magsasaka ng palay sa Bulacan tumanggap ng ayuda

21,553 magsasaka ng palay sa Bulacan tumanggap ng ayuda

710
0
SHARE

Natanggap na ng nasa 21,553 na mga magsasaka ng palay na may dalawang ektarya pababa na mga sakahan sa Bulacan, ang tig-limang libong piso na Rice Farmers Financial Assistance mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — May 21,553 magsasaka ng palay sa Bulacan ang tumanggap ng tig-limang libong pisong ayuda mula sa Department of Agriculture o DA.

Ito ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund alinsunod sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law.

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, ang mga benepisyaryo ay may sakahan na nasa dalawang ektarya pababa.

Sila ay mula sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Donya Remedios Trinidad, Bustos, Pandi, Angat, Norzagaray, Pulilan at Calumpit at lungsod ng Malolos.

Sa bisa ng Republic Act 11598, pinahihintulutan ang DA na mailaan ang sobrang nakolekta sa RCEF bilang tulong pinansiyal sa mga maliliit na magsasaka hanggang 2024.

Ang RCEF ay ang nakokolektang buwis mula sa mga taripa na ipinataw sa mga inaangkat na bigas ng mga pribadong mangangalakal sang-ayon sa Rice Tariffication Law.

Mahigit sa 10 bilyong piso kada taon mula noong 2019 ang nakokolekta rito na karaniwang inilalaan sa pagkakaloob ng mga makinarya, binhi, training at scholarships at mga pautang bilang karagdagang kapital sa mga magsasaka.

Ipinaliwanag naman ni DA Regional Technical Director Eduardo Lapuz, makakatulong ito upang kahit papaano ay maibsan ang hamon na nararanasan ng mga magsasaka bunsod ng pagbaba ng halaga ng Palay at patuloy na pandemya.

Katuwang ng DA sa pagpapatupad nito ang Development Bank of the Philippines at ang Universal Storefront Services Corporation.

Ang naturang benepisyaryo ay nakatala sa Farmers and Fisherfolks Registry System o FFRS.

Kaya’t hinikayat ni Carillo ang mga magsasaka at maging ang mga mangingisda na hindi pa rehistrado sa FFRS, na magpalista na upang matiyak na sila’y makakasama sa mga pagbibigay ng mga ayuda o pag-agapay mula sa pamahalaang nasyonal.

Ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban ng Intervention Monitoring Card na kanilang dadalhin sa mga katuwang na financial institutions upang makuha ang tulong pinansiyal. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here