Home Headlines 21 OTOPreneurs sa Bulacan tampok sa isang trade fair sa Marilao

21 OTOPreneurs sa Bulacan tampok sa isang trade fair sa Marilao

487
0
SHARE

MARILAO, Bulacan (PIA) — Nasa 21 micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang bahagi ng idinadaos na Kalayaan Tatak Bulakenyo Pinoypreneur Trade Fair sa SM City Marilao.

Benepisyaryo sila ng One Town, One Product (OTOP) Program ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon, sila ay representasyon ng nasa 100 na matatagumpay na OTOP sa lalawigan kung saan limang porsyento sa kanila ay may license to operate (LTO) at product certification mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Bukod sa layuning matulungan ang mga naturang MSME na may mga produktong nasa ilalim ng OTOP, naging pagkakataon din ito upang isulong ng DTI na mas marami pang MSMEs ang makapasa sa pamantayan ng FDA.

Sa pagiging sertipikado ng FDA, maiaangat ang antas ng kalidad ng lasa, packaging, shelf life, produksiyon, kalinisan, inobasyon at gayundin ang pagtitiyak na sapat ang nutrisyon na laman nito.

Isa ang sertipikasyong ito sa pangunahing rekisito upang ang isang MSME ay makapasok at makalahok sa mas malalaking trade fair gaya ng katatapos na International Food Exposition 2023 at iba pang international fairs.

Hinikayat ni Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon ang mga micro, small and medium enterprises sa lalawigan na kumuha ng sertipikasyon sa Food and Drug Administration. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Binigyang diin ni Dizon na maaring magamit ng mga MSMEs ang Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential Multipurpose Loan ng Small Business (SB) Corporation, upang masuportahan sa mga gastusin sa mga proseso at sistema na dapat gawin tungkol sa pagkuha ng LTO at product certification ng FDA.

Kailangan aniyang magamit nang husto o mapataas ang utilization ng P7 bilyon na inilaan sa SB Corporation mula noong 2022.

Sa Bulacan, nasa P160 milyon na halaga ng pautang mula sa SB Corporation ang naipalabas sa may 788 na mga MSMEs.

Maliit na bahagi lamang ito ng nasa 45 libong rehistradong MSMEs.

Kaugnay nito, iniulat din ni Dizon na sa pagpasok ng unang bahagi ng 2023, nasa 6,886 na mga bagong MSMEs na nabigyan ng business names ng DTI.

Mas mataas ito ng 38.11% o 4,986 na mga MSMEs na nabuksan sa kaparehong panahon noong 2022. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here