21 barangays sa Bulacan muling lumubog sa baha

    399
    0
    SHARE

    SAN MIGUEL, Bulacan – Hindi pa halos nakakabangon sa bahang hatid ng bagyong Pedring, muling lumubog ang halos kalahati ng bayang ito sa isang biglaang pagbaha noong Linggo ng gabi.

    Kaugnay nito, tiniyak ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na walang backfloods na dapat ipangamba ang mga bayan ng Hagonoy at Calumpit dahil mababa pa ang tubig sa Candaba Swamp.

    Batay sa tala ng PDRRMO, 21 sa 49 na barangay ay lumubog sanhi ng magdamag na pag-ulan noong Sabado ng gabi na hatid ng shallow low pressure area (SLPA).

    Ito ay mga barangay ng Bardias, Baritan, King Kabayo, Penambaran, Salacot, San Agustin, Mandile, Ilog-Bulo, Bagong Silang, Tigpalas, Batasang Bata, Batasang Matanda, Buga, Salangan, San Jose, San Juan, Maligaya, San Vicente, Lambakin, Camias, at Sta. Lucia.

    Ayon kay Jose Edmundo Buencamino, dating alkalde ng nasabing bayan, ikinagulat ng mga residente ang biglaang pagbaha.

    “Wala namang bagyo, pero nagkaroon ng flash flood,” aniya sa isang telephone interview.

    Ang pagbaha sa nasabing bayan ay ikalawa na sa loob lamang ng 38 araw matapos manalasa ang bagyong Pedring noong Setyembre 27 na naghatid ng katulad na biglaang pagbaha.

    Ang pagbahang hatid ng bagyong Pedring ay nagsanhi rin ng pagka-antala ng may 10 oras ng mga motoristang bumibiyahe sa kahabaan ng Maharlika Highway sa bayang ito.

    Ito ay dahil sa lumubog sa baha ang bahagi ng highway na nag-uugany sa bayang ito at lalawigan ng Nueva Ecija.
    Dahil naman sa katatapos na biglaang pagbaha, sinabi ng mga residente na para itong parusa sa kanila.

    “Nahihirapan na ang mga residente, marami sa kanila ay iisa ang bukambibig, hindi pa daw sila nakaka-recover sa pagbaha ni Pedring, heto’t binabaha na naman kami,” ani ng dating alkalde

    Batay naman sa ulat kahapon ng PDRRMO, humupa na ang pagbaha sa mga lumubog na barangay ng San Miguel.

    Ngunit nananatiling lubog ang barangay Mandile na karatig ng Candaba Swamp.

    Ayon naman sa ulat ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center kahapon ng Madaling araw, may posibilidad na manatili ang nasabing baha sa Barangay Mandile dahil sa mataas pa ang tubig sa Candaba Swamp.

    Sa kabilia nito, nilinaw ni Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO na walang inaasahang back floods na magpapalubog sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit.

    “Totoong nasa alert level na ang water elevation sa Candaba Swamp, pero hindi pa rin sapat iyan para lumubog ang Hagonoy at Calumpit,” ani Mungcal patungkol sa dalawang bayan sa Bulacan na dinadaluyan ng tubig baha mula sa Candaba Swamp patungo sa Manila Bay.

    Iginiit ni Mungcal na nasa 5.37 meters lamang ang water elevation sa Candaba Swamp kahapon ng madaling araw.

    “Kung aabot yan ng 6.5 meters to 7.5 meters, magdadasal na naman kami dahil tiyak na babaha sa Hagonoy at Calumpit,” ani Mungcal. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here