Home Opinion 2025 budget sa bayan ng San Simon, di pa rin natatalakay...

2025 budget sa bayan ng San Simon, di pa rin natatalakay hanggang ngayon

137
0
SHARE

*

Ang taunang BUDGET para sa pamahalaang lokal

ng SAN SIMON hanggang ngayon ay hindi pa natalakay

ilan daw sa magigiting na KONSEHALES ng bayan

di dumadalo sa SESYON upang ito’y pag-usapan

at dahil sa nangyayari na tila KABULASTUGAN

ang labis na APEKTADO ay ang mga mamamayan

**

Ang PONDO ng bawat bayan nararapat talakayin

kada taon bago pa man o eksakto sa FISCAL YEAR 

pag-uusapan ang budget na kanilang lulustayin

halimbawa’y sa PROYEKTONG ninanais nilang gawin

PUBLIC SAFETY, EDUKASYON at sa iba pang gastusin

sweldo ng empleyado at maging sa PUBLIC SERVICE din

***

Base sa’king nakalap na RELIABLE INFORMATION 

wala pa ring nagaganap na SESSION hanggang sa ngayon

at dahil sa pangyayari ay may namumuong TENSIYON 

sa panig ng alkalde at sa grupo ng OPOSISYON 

ba’t di nila pag-ukulan ng atensiyon at panahon 

sinumpaang tungkulin sa ilalim ng KONSTITUSYON 

****

Dahil sa kagagawan ng ilan nating PULITIKO 

hanggang ngayon ay wala pa ring budget ang MUNISIPYO 

paano matutugunan pangangailangan ng tao? 

kung walang mapagkukunan at di sapat pa ang pondo

ano ang kahihinatnan nitong lokal na GOBYERNO? 

sa aspetong KALUSUGAN ng serbisyong pampubliko

*****

Batay sa aking opinyon at sa aking nakikita

ang mga pangyayari ay may bahid ng PULITIKA 

sa panig ng oposisyon ay mayroong pagdududa

baka PERA ay magamit para sa pangangampanya

subalit kung susuriin bakit sila MANGANGAMBA? 

kung pondo ay ilalaan kung saan dapat mapunta

******

Bakit hindi nila gawin kung ano ang naaangkop

na serbisyong pampublikong dapat na ipagkaloob

sila’y HINALAL ng tao upang sila ay maglingkod

sa paraang MAKATAO, MAKABAYAN at maka-DIYOS

hindi upang magtamasa lamang sa PANGUNGURAKOT 

sa pondo ng inang-bayan na palaging NASISIMOT 

*******

Ganyang uri ba ng tao ang dapat na MAIHALAL? 

na kandidato para sa nalalapit na HALALAN 

kung simpleng usapin pa lang di na magkaintindihan 

paano pa haharapin ang bagay na maseselan? 

ano ang kahihinatnan nitong ating INANG-BAYAN 

kung sila maghahari dito sa ating LIPUNAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here