BOTOLAN, Zambales (PIA) — Idinaos ng Department of Science and Technology (DOST) ang 2023 Regional Science, Technology, and Innovation Week sa bayan ng Botolan sa Zambales.
Layunin ng tatlong araw na aktibidad, na may temang “Agham at Teknolohiya: Kabalikat sa Maunlad at Matatag na Kinabukasan”, na maipaalam sa mga mamamayan ang mga inisyatibo sa agham na maaring magamit upang mapabuti ang buhay partikular sa kanayunan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho Mabborang na patuloy ang kagawaran sa pagbuo ng mga inobasyon na makakapagpagaan ng buhay ng mga tao.
Ang ahensya aniya ay nagsusumikap na maglagay ng mga science-based solutions sa pagnenegosyo, sa akademya, at maging sa mga katutubong pamayanan upang magkaroon ng makabuluhan at tuloy-tuloy na pag-unlad.
Kanya ring binigyang diin na sa paglipas ng taon ay matagumpay ang DOST sa pagkamit ng layuning ito.
Inilahad ni Mabborang na libo-libong micro, small, and medium enterprises sa buong bansa ang nakinabang mula sa mga inobasyon na tumulong sa kanilang mga negosyo na kumita at lumikha ng mga trabaho.
Dagdag pa niya na maraming mga pamantasan, kolehiyo, at research and development institutions ang nakinabang sa kanilang institutional grants sa pagsagawa ng research and development upang tugunan ang kailangan ng kanilang komunidad.
Bukod pa rito, marami ding mga mahihirap na pamilya ang natulungan na makapagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng kanilang scholarship programs ganun din ang pagkakaloob ng digital educational technologies sa mga tinatawag na “last mile schools”.
Binigyang diin naman ni DOST Regional Director Julius Caesar Sicat ang mahalagang gampanin ng agham at teknolohiya sa paghubog ng kinabukasan.
Kaugnay nito, kanyang hinikayat ang lahat na yakapin ang pagbabago gayundin ay kanyang hinimok ang bawat isa na buksan ang kanilang isipan, magbigay inspirasyon sa isa’t isa at ilabas ang pagiging innovative.
Samantala, ilan sa mga matutunghayan sa science exhibit ang iba’t-ibang inobasyon kagaya ng Disaster-Use Convertible Ketch o amphibious vehicle at mobile command vehicle na magagamit sa kalamidad at iba’t-ibang pangyayari at mobile education facility ng Gerona at marami pang iba. (CLJD/RGP-PIA 3)