Home Headlines 2,000 Bulakenyo, nakinabang sa ISARAP  

2,000 Bulakenyo, nakinabang sa ISARAP  

864
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Nasa dalawang libong Bulakenyo ang direktang nakinabang sa Integrated Sustainable Assistance, Recovery and Advancement Program o ISARAP na ginanap sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Ang ISARAP ay isa na namang serye ng service caravan kung saan nagsama-sama ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaang nasyonal, upang sabay-sabay na magbaba ng kani-kanilang mga serbisyo, proyekto at programa ng administrasyong Duterte.

Buong pwersa ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaang nasyonal sa pagbubuhos ng kani-kanilang mga serbisyo, proyekto at programa sa idinaos na Integrated Sustainable Assistance, Recovery and Advancement Program sa lungsod ng San Jose Del Monte. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Pinangunahan ng ito ng National Housing Authority o NHA sa pakikipagtulungan ng Presidential Management Staff.

Ayon kay NHA Provincial Manager Ma. Fatima Dela Cruz, piniling ganapin sa Pleasant Hills ang ISARA Program upang ipakita sa taumbayan ang dekalidad at makataong pabahay na ipinagawa sa panahon ni Pangulong Duterte.

Bilang bahagi ng promosyon ng proyekto, may inisyal na 45 na pamilya ang pinagkalooban ng Certificate of Eligibility for Lot Award, upang makatira naman sa San Jose Del Monte Heights na isa ring proyektong pabahay.

Sa kabuhayan, nabiyayaan ng tig-P50 libong karagdagang kapital mula sa Cooperative Development Authority ang SAMAKA Multipurpose Cooperative na nakabase sa San Jose Del Monte, at ang HM Multipurpose Cooperative na nasa Marilao.

Nasa 500 na katao ang mga kasapi ng nasabing mga kooperatiba na tinatayang makikinabang sa ibinigay na karagdagang kapital.

May 200 namang mga magsasaka na kasapi ng Rural Improvement Club Gawad Kalinga Thomasian Multipurpose Cooperative na nasa barangay Minuyan sa San Jose Del Monte, ang magsisilbing benepisyaryo ng mga binhi at makinarya mula sa Department of Agriculture.

Ang nasabing mga magsasaka ay dating mga nakikipagsiksikan sa Metro Manila na nakumbinsi ng pamahalaan na umuwi na lamang sa San Jose Del Monte sa ilalim ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program.

Dito na sila magsisimula ng angkop na kabuhayan sa pamamagitan ng mga natanggap nila ang assorted lowland seeds, peanut seeds, plastic crates at shredder machine.

Aagapay din ang Negosyo Center ng Department of Trade and Industry na nakabase sa SM City San Jose Del Monte sa pagsisimula ng bago nilang kabuhayan.

Pinasahod na rin ng Department of Labor and Employment o DOLE ang may 34 na benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantage/Displaced Workers o TUPAD.

Gayundin ang pagpapasahod sa may 20 mga kabataan na nabigyan ng trabaho sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students o SPES.

Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozon, mas madalas ang mga roll-out ng TUPAD Program at mas pinarami ang mga benepisyaryo ng SPES bilang bahagi ng National Employment Recovery Strategy Program 2021-2022.

Ang Department of Public Works and Highways Bulacan Second District Engineering Office ay nagbukas ng nasa 126 na mga trabaho.

Sinabi ni John Richard Maghinang, kinatawan ng Bulacan Second District Engineering Office, kabilang sa mga kailangan ang mga laborers, time keepers, warehouse personnel, drivers at mga site engineers.

Kaugnay pa rin ng kabuhayan, nasa 60 ang nabiyaan ng tig-tatlong libong pisong tulong sa ilalim ng Assistance for Individuals on Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development.

Iba pa rito ang walo na nabigyan ng Sustainable Livelihood Program ng ahensya.

Sinimulan naman ng Land Transportation Franchising Regulatory Board ang pagkakaloob ng Fuel Subisidy sa unang 12 mga tsuper ng pampasaherong dyip sa San Jose Del Monte. Sila ang kumakatawan sa daan-daang tsuper na bumibiyahe sa lungsod.

Binigyan naman ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang unang 12 kabataan ng computer table at 16 na mga pocket wifi para sa 16 na mga mag-aaral.

Insentibo ito ng ahensya sa mga kabataan na nakatamo ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19.

Umabot naman sa mahigit na 500 na mga Bulakenyong taga-San Jose Del Monte ang napagkalooban ng DICT ng VaxCertPH o ang opisyal na vaccination certificate ng Pilipinas, para sa mga mamamayan nitong nakakumpleto ng bakuna laban sa COVID-19.

Ang Department of Health naman ay nagbigay ng 21 mga admission kits at 50 mga hygiene kits. Iba pa rito ang mga gamot at bitamina para sa mga health center sa lungsod ng San Jose del Monte.

Sa patuloy na pangangalaga sa kalikasan, nagbigay ng nasa 30 mga fruit bearing seedlings ang Department of Environment and Natural Resources sa mga barangay volunteers.

Ito’y bahagi ng promosyon sa Enhanced National Greening Program, na makakatulong sa pagdaragdag ng sariwang hangin na kailangang-kailangan ngayong may pandemya pa. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here