BALER, Aurora (PIA) — Nasa 200 residente ng bayan ng Maria Aurora sa lalawigan ng Aurora ang nakinabang mula sa mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ay sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) na naglalayon na paigtingin ang kooperasyon ng pamahalaan at komunidad upang labanan at wakasan ang insurhensya sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong sa mga mamamayan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Ener Cambronero, ang Serbisyo Caravan ay naglalayong tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sa mga natukoy na barangay.
Ito ay bahagi rin ng “immersion phase” ng RCSP na pinangungunahan ng DILG at lokal na pamahalaan katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Naging benepisyaryo ng naturang akbidad ang mga residente ng Barangay San Juan, Decoliat, at Galintuja.
Kabilang sa mga serbisyong ibinigay sa mga residente ang libreng konsultasyong medikal, pagpapa-assess ng lupa, at pagbabayad ng buwis gayundin ang pagkuha ng mga legal na dokumento partikular ang sertipiko ng kapanganakan, pagpaparehistro para sa National ID, tulong hanapbuhay, at pagbibigay impormasyon sa mga libreng pagsasanay.
Namahagi din ng mga family food pack, libreng tsinelas, at gamot sa mga dumalo. (CLJD/MAT, PIA Region 3-Aurora)