MALOLOS CITY—Dalawang teenager na hinihinalang nagtutulak ng shabu ang dinakip ng pulisya sa bayan ng Pulilan kamakalawa dahil sa sumbong ng taong bayan.
Ang mga suspek ay nakilalang sina James Prigo alyas “ Bagyo”, 18 anyos, binata, residente ng Barangay Banga 1st, Plaridel, Bulacan; at Reynald Sta.Ana, 19 anyos, binata, residente ng Barangay Paltao, Pulilan.
Ayon kay Senior Supt. Allen Bantolo, Bulacan acting police director, isang empleyado ng Petron Gasoline station sa Barangay Cutcot, Pulilan ang tumawag sa pulisya ng nasabing bayan at iniulat ang kahina-hinalang kilos ng dalawang teenager na nagpakarga ng gasolina sa kanilang motorsiklo.
Agad namang nagpagdala ng pulis si Supt. Alfredo Modestano, hepe ng Pulilan, sa nasabing gas station.
Pagdating ng mga pulis ay nakaalis na ang dalawang suspek patungong Plaridel, kaya’t hinabol ang mga ito.
Inabutan naman ng mga pulis ang dalawang suspek sa kanto ng Barangay Banga 1st sa kalapit na bayan ng Plaridel, at positibong kinilala ito ng empleyado ng gasolinahan ng dalhin doon ng mga pulis.
Ayon kay Bantolo, nagtangkang tumakas ang isa sa mga suspek ng makuhanan ito ng isang bahay ng posporo na naglalaman ng mga plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Natuklasan ng mga pulis na ang nasabing shabu ay idedeliver ng mga suspek sa bayan ng Guiguinto.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang Kawasaki Bajah motorbike at pitong sachet ng hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride na tumitimbang ng 0.033g, 0.063g, 0.034g, 0.030g, 0.040g,0.027g, 0.059g at tinatayang may street value na P3,500.