2 tanod sugatan sa pagsabog sa barangay hall sa Malolos

    414
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Dalawang tanod ang sugatan matapos ang pagsabog sa gilid ng barangay hall ng Barihan sa lungsod na ito kamakalawa ng umaga.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Rolenyo Macalua at Joaquin Bernardo, kapwa tanod ng Barangay Barihan. Sila ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center matapos na magtamo ng sugat at pasa sa katawan sanhi ng pagsabog na di pa matukoy ang dahilan.

    Ayon kay Mariano Dela Cruz, nakasaksi ng pangyayari, naghuhukay ang mga biktima sa gilid ng nasabing baranggay ng bigla na lamang may sumabog na malakas mula sa kanilang hinuhukay.

    Sa sobrang lakas ng pagsabog ay naihagis nito si Macalua papalayo sa kanilang hinuhukay.
    Ikinuwento naman ni Bernardo ang kanyang karanasan matapos ang pagsabog.

    Sinabi niya na kasalukuyan silang naghuhukay para sa ginagawa nilang pader ng nasabing barangay hall ng bigla na lamang sumabog ang mismong hinuhukay ng kaniyang kasamahan na tinamaan umano ng hawak nitong bareta.

    Ayon naman kay Alex Sabitan, kapitan ng Barangay Barihan, siya umano ang nagpahukay sa gilid ng barangay hall para sa sa itatayong bakod.

    Sa kasalukuyan ay blanko naman sila sa sanhi ng pagsabog at wala naman rin siyang alam na may posibleng vintage bomb sa kanilang lugar.

    Ayon kay Sabitan, tinatayang nasa 400 metro ang inabot ng lakas ng pagsabog.

    Sa kasalukuyan ay nasa ligtas namang kalagayan sa pagamutan ang mga tanod na sugatan samantalang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa sanhi ng nasabing pagsabog.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here