DINALUPIHAN, Bataan- Masuwerteng walang grabeng nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang mala-higanteng oil tanker sa kahabaan ng Roman Superhighway sa Balanga City, Biyernes ng gabi.
Wasak ang dalawang sasakyan at kailangan pa ang isang malaking wrecker upang itabi ang mga ito at hindi makasagabal ng matagal sa daloy ng nagsikip na trapiko.
Bumalabag sa highway ang ulo ng isang tanker na papunta pa lamang upang magkarga ng krudo sa oil depot sa Mariveles. Nagmistulang hugis siyete na wasak ang unahan at ibang bahagi nito.
May mga yupi at gasgas sa tagiliran at hulihang bahagi naman ang kasalubong na oil tanker din na kargado at pauwi na sa Angeles City.
Tanging si Feliciano Raparos ng Nueva Ecija, driver ng naghugis-7 oil tanker, ang nasaktan at ginamot sa Bataan General Hospital sa Balanga. Nakalabas na rin siya sa ospital bagama’t iika-ika sa paglakad.
Ayon kay PO2 Alfad Jumiri, Balanga City police investigator, dalawang tanker na magkasunod ang papunta sa Mariveles. Nang magpreno ang nauunang tanker, nagpreno rin ang kasunod na minamaneho ni Raparos.
“Sa pangalawang pagpreno ni Raparos, umi-slide ang tanker dahil madulas ang daan at nag-siyete at nakabanggaan ang kasalubong na oil tanker,” sabi ni Jumiri.
Kinumpirma ni Raparos na sa pangalawang pagpreno ay umi-slide ang sasakyan niya dahil sa dulas ng kalsada at nakabanggaan niya ang kargadong tanker na minamaneho naman ni Joiny Manaloto ng Tarlac.
“Mistulang nagbulagaan ang dalawang oil tanker at hindi nakaiwas sa isa’t-isa,” sabi ni Darwin Pulaan, pahinante ni Raparos.
Patuloy pa ang imbistigasyon ng Balanga City police sa pangyayari, sabi ni Jumiri.