ORANI, Bataan: Sa gitna ng pabugso-bugsong ulan, sumiklab ang apoy sa isang two-storey residential building sa Barangay Pantalan Luma dito nitong Biyernes.
Ayon kay SFO3 Maria Teresa Andrade, hepe ng Orani Bureau of Fire Protection, nakatanggap sila ng tawag tungkol sa sunog alas-10:28 ng umaga at naging positibo ito ng 10:33 ng umaga.
Sa tulong ng dalawang firefighting unit ng Orani at katabing bayan ng Samal, na-deklarang fireout ng alas-10:55 ng umaga ring iyon.
Wala namang nasaktan at kasalukuyan pang inaalam kung ano ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang tinatayang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog, sabi ni Andrade.
Sinabi ni Pantalan Luma Barangay Tanod Marvin Cubacub na bigla lamang ang apoy at agad silang rumesponde at inihanda ang mga dadaanan ng mga firetrucks.
Tulad ng dapat asahan na ginagawa sa Pantalan Luma, ani Cubacub, agad nagtulong-tulong ang mga residente sa pamamag-itan ng tinatawag na bucket relay na gamit ang mga timba ay sumasalok sila ng tubig sa ilog at gripo upang ibuhos sa nasusunog na bahay.
Mabilis, aniyang, naapula ang sunog at hindi na kumalat sa ibang bahay sa mataong barangay dahil sa tulungan ng mga bumbero at mga residente.
Sinabi ng Barangay Tanod na wala ang mag-asawang may-ari ng bahay nang mangyari ang sunog na patuloy pang iniimbistigahan ng BFP.