LUNGSOD NG MALOLOS —– Ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting ni PNP chief Gen. Rodolfo S. Azurin Jr. ang dalawang pulis sa Bulacan matapos masugatan sa isang engkwentro sa paghahain ng warrant of arrest laban sa isang criminal group kamakailan.
Ang ginawaran ng medalya ay sina Pat. Aaron James Ibasco at Cpl. Richard Neri ng 2nd Provincial Maneuver Force Company ng Bulacan Provincial Police Office, para sa kanilang katangi-tanging pagbibigay ng serbisyo matapos masugatan sa engkwentro sa isang police operation sa Barangay Maligaya, San Miguel.
Dito ay napatay sa operasyon ang dalawang miyembro ng Salvador criminal gang matapos manlaban nang sila ay aarestuhin ng kapulisan.
Ang napatay naman sa insidente ay nakilalang si Rommel Suarez, na high value target drug suspect mula Nueva Ecija at isang hindi pa napapangalanang kasamahan nito.
Naaresto rin sa operasyon ang apat pa na miyembro ng nasabing grupo.
Narekober sa crime scene ang mga plastic sachets ng suspected shabu, mga bala at baril na shotgun at .45.
Mismong ang PNP chief PNP ang dumalaw sa Bulacan Medical Center kung saan naka-confine ang dalawang pulis at personal na iginawad ang nasabing mga medalya.