MASINLOC, Zambales – Dalawa ang patay, samantalang tatlong iba pa ang sugatan sa grupo ng mga kabataang sakay ng bangkang de motor na tinamaan ng kidlat habang nasa Matalvis Bay sa Sitio Matalvis, Barangay Inhobol sa bayang ito.
Sa ulat ni RJ Bautista ng Masinloc Disasater Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kinilala ang mga nasawing sina Alden Madajas, 17, at Jolly Gubalante, 19.
Sugatan naman sina Archie Bungol, 19; Albert Barrientos, 20, at Ricky Gubalante, 20, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dead on the spot si Madajas, samantalang si Gubalante ay tumilapon sa tubig nang tamaan ito ng kidlat.
Ayon pa sa imbestigasyon ng pulisya, mangingisda ang mga biktima at habang nasa kalagitnaan ng Matalvis Bay ay bigla na lamang kumidlat at tamaan ang mga biktima.
Ang bangkay ni Gubalante ay nakita sa Port of Matalvis kinabukasan matapos ang isinagawang search operation ng team na pinamunuan ni Police Inspector Pancho Dodble, hepe ng Masinloc PNP.