2 paslit na Aeta todas sa boga ng pinsang 12-anyos

    338
    0
    SHARE

    ANGELES CITY —Biglang kamatayan ang sinapit ng dalawang menor de edad na Aeta matapos silang tamaan ng improvised shotgun ng kanilang 12-anyos na pinsan sa Barangay Sapang Uwak, Porac, Pampanga nitong Lunes.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Russel, 7, at Francis Lansang, 3.

    Ang mga biktima ay isinugod pa sa Jose B. Lingad Hospital sa Lungsod ng San Fernando, ngunit idineklara na ring patay.

    Ang suspek sa pagkasawi ng dalawang biktima ay ang pinsan nilang 12-anyos na ayon sa pulisya ay dinala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Delopment (DSWD) sa Tarlac.

    Ayon kay Supt. Juritz Rara, hepe ng Porac PNP, nangyari ang insidente alas-8 ng umaga noong Lunes.

    Naglalaro daw noon ang mga batang Aeta nang paputukan ng suspek ang kanyang pinsan ng “wampung” o “sumpak.”

    Dahil sa maraming tama sa katawan ay agad na namatay si Russel at pumanaw din si Francis matapos ang operasyon.

    Ayon sa PNP, iniimbestigahan na nila ngayon kung ang ama nga ng mga biktima ang may-ari ng improvised shotgun na ginamit ng suspek.

    Posibleng maharap sa mga kaso ang ama ng mga biktima na si Rico Lansang sakaling maging malinaw daw ang ebidensya na sa kanya nga ang shotgun.

    Salaysay naman ni Dr. Amado Menedon, Jr., hindi na kinaya ng 3-taong gulang na bata ang maraming tama sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

    Agad din daw itong namatay matapos ang ilang sandali ng sumailalim ito sa operasyon.

    Samantalang agad na inilibing ang dalawang bata noong araw din na mamatay ang mga ito batay sa tradisyon at kultura ng mga Aeta.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here