CABANATUAN CITY – Dalawang sangay ng isang popular na convenience store ang
magkasunod ng hinoldap sa magkahiwalay na lugar sa Nueva Ecija nitong
Huwebes ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:40 ng umaga nang pasukin ng isang lalaki ang
convenience store sa Barangay Poblacion Sur, Rizal, Nueva Ecija, samantalang
4:39 ng umaga rin nilooban ang sangay sa Barangay Sumacab Este ng lungsod na
ito.
Sa imbestigasyon sa Rizal, nagkunwaring bumibili ng energy drink ang isang lalaki
na naka-face mask, nakasuot ng bull cap at jacket pero paglapit sa cashier ay
nagdeklara ng holdap sabay panunutok ng baril sa biktimang si Jeravel Jose, 21-
anyos.
Natangay ng suspek ang P11,600 na pinagbentahan nang tumakas sakay ng isang
motorsiklo, ayon sa pulisya.
Sa pagbusisi sa mga video footage mula sa CCTV camera sa lugar ay nakilala ang
suspek na si Reynold Yabillo, residente mg Barangay Estrella ng nasabing bayan.
Ayon sa pulisya, lumabas rin sa imbestigasyon na may kakutyaba ang suspek na
nagsilbing lookout. Nakilala ito na si Marvin Blanco ng Barangay Bakod Bayan ng
lungsod na ito.
Pinaghahanap pa ang dalawa.
Sa lungsod na ito, kaswal di-umanong naglakad patungong kahera ang nag-iisang
suspek na armado rin ng di-binanggit na uri ng handgun.
Batay sa report, natangay ng suspek ang P12,000 na laman ng kaha.
Tugis pa rin mg pulisya ang di-nakilalang holdaper.