LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Dalawang linggong magkasunod na ang idinadaos na pagpuprusisyon ng iba’t ibang imahe ng Sto. Niño sa Malolos sa nakalipas na tatlong taon.
Sa Ika-51 taon ng kapistahan nito sa lungsod, unang idinaos ang mahabang prusisyon noong Enero 18 na pinangunahan ng Diyosesis ng Malolos.
Bahagi ito ng pagdiriwang sa Liturhikal na Kapistahan ng Sto. Niño na naaayon sa kalendaryo ng simbahan habang sa Enero 25 muling magsasagawa ng isang prusisyon na inoorganisa ng Sto. Niño De Malolos Foundation Inc.
Sinabi ni Jose Roly Marcelino, lokal na mananaliksik at focal ng City of Malolos Arts, Culture, Tourism and Sports Office, naging regular na ito mula nang pasimulan noong 2024 bilang patunay ng lalong paglalim ng pananampalataya ng mga Bulakenyo sa batang si Hesus na Panginoon ng mga Kristiyano.
Itinuturing na pinakamahaba sa buong Pilipinas ang idinadaos na ngayo’y dalawang linggong prusisyon dahil umaabot sa mahigit na 300 mga karosa ang kalahok.

Kaya naman nananatiling bahagi ng Philippine Experience Program ng Department of Tourism ang pista ng Sto. Niño sa Malolos kung saan grupo-grupong mga turista ang dinadala ng mga lokal na travel agencies upang makiisa sa malakihang prusisyon at mararanasan din ang makakain sa mararangyang piging matapos nito.
Bilang bahagi ng paghahanda sa nasabing prusisyon, isang maringal na eksibisyon ang idinadaos sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Isang taimtim na pagkakataon ito upang malapitang makita ang iba’t ibang imahe ng Sto. Niño tulad ng pagiging mangingisda, panadero, kapitan ng barko, tindero ng balut at penoy, pastol ng tupa, arkitekto, magsasaka, musikero, karpintero, at iba pang representasyon. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



