BALAGTAS, Bulacan — Dalawang estudyante ang arestado sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Juan dito kung saan nasa mahigit limang kilo ng marijuana ang nakumpiska.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Paolo Licud, 21, single, estudyante, ng Magdalena Subd., Barangay San Juan, at Mark John Paul Bateni y Narciso, 18, single, estudyante, Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan.
Isinagawa ng PDEA at Balagtas PNP ang buy-bust na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga suspect matapos pagbentahan ng marijuana ang poseur-buyer.
Nakumpiska mula dalawa ang anim na bricks ng marijuana na may timbang na 5.5 kilo na tinatayang nagkakahalaga ng P1.1 million, at marked money.
Ayon kay Bulacan PNP provincial director Col. Chito Bersaluna, karaniwang parokyano ng dalawa ay mga kapwa nila estudyante sa mga paaralan sa mga karatig bayan ng Balagtas.
Aniya nasa watchlist nila ang mga suspect na matagal na nilang minamanmanan.
Ayon sa kanilang pagiimbestiga nanggaling pa sa Mountain Province ang mga bricks ng marijuana na sinasadya pa roon na kunin ng mga suspek.
Pinag-iingat ni Bersaluna ang mga kabataan na huwag malulong sa droga.
Para sa mga magulang aniya ay marapat lamang na bantayan ang kanilang mga anak upang malayo sa mga masamang bisyo.
Nagsisisi naman ang suspek na si Bateni sa pagkakasangkot sa iligal na gawain at kung papalarin na makalaya ay hindi na niya ito uulitin.
Ang mga suspek ay kasalukuyang naka-ditene sa Balagtas Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.