CUYAPO, Nueva Ecija – Dalawang atleta mula sa bayang ito ang nakapag-uwi ng medalya mula kani-kanilang sinalihang laro sa 31st Southeast Asian Games.
Umaani ngayon ng papuri mula sa kanilang mga kababayan at kalalawigan sina Aries Toledo na nakasungkit ng silver medal sa men’s decathlon at Laila Delo na nag-uwi ng bronze medal sa taekwondo women’s under-67 kgs category.
“We are proud of you, Mabuhay ka Kababayan!” pagbati ng lokal na pamahalaan na inilathala ng Cuyapo Tourism, Culture and Arts sa hiwalay na post sa kanilang social media page.
Si Delo na nag-aral rin sa isang kolehiyo sa Nueva Ecija ay estudyante ng University of Sto. Tomas at miyembro ng Philippine Taekwondo National Team.
Lumahok na rin siya sa SEA Games noong 2019 kung saan naiuwi niya ang silver sa naturang kategorya.
Si Toledo na mula sa Central Luzon State University ay dati nang kinilala ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija dahil sa kanyang tagumpay sa sports.
Sa ulat ng Radyo Natin Guimba, si Toledo ay tinaguriang “Iron Man of Southeast Asia” dahil sa dalawang magkasunod nitong pagwawagi bilang champion at pagkamit ng gold medal sa parehong sport sa 2017 SEA Games (Kuala Lumpur) at sa 2019 SEA Games (Philippines).