LUNGSOD NG MALOLOS — “Good ibning pwoah!” (Good evening po!). Ito ang huling mensahe sa pamilya ng nawawalang 27-anyos na indigenous activist mula sa Barangay Bagumbayan ng naturang lungsod na kasama sa dalawang dinukot sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal.
Ayon kay Mercedita De Jesus, OFW at ina ng nawawalang si Gene Jamil “Bazoo” De Jesus, hindi niya inakala na iyon na pala ang huling mensahe ng anak bago ito nawala at ni wala itong pahiwatig na nasasangkot sa anumang gulo.
Si De Jesus ay 24 araw nang nawawala kasama ang isa pang biktima na si Dexter Capuyan matapos umanong dukutin ng mga armadong kalalakihan na sakay ng dalawang van sa bukana ng Golden City Subdivision sa Taytay noong April 28, bandang 9:30 ng gabi.
Ani Mercedita, ang kanyang anak ay aktibo na bilang student leader noong ito ay nag-aaral pa ng journalism sa UP Baguio at nitong Marso lang nang magtrabaho bilang information and networking officer ng Task Force for Indigenous People’s Rights.
Habang si Capuyan naman aniya na isa ding UP graduate ay isang Igorot na hinala niya ay nagkakilala ang dalawang biktima dahil sa trabaho ng kanyang anak bilang IP activist. Wala aniya silang ideya sa motibo ng pagdukot sa kanyang anak maliban sa pagiging aktibista nga nito.
Sa impormasyon na nakalap ng pamilya, ang driver ng tricycle na nasakyan nina De Jesus at Capuyan ang nagbigay ng impormasyon sa gwardya ng subdivision na sila ay hinarang ng mga kalalakihan na nagpakilalang mga taga-CIDG.
Sa takot daw ng driver ay itinaas nito ang kanyang kamay habang ang dalawang biktima ay isinakay na sa magkahiwalay na van.
Kaya’t nang mabalitaan ang tungkol sa insidente ay agad na umuwi mula Italy si Mercedita para hanapin ang kanyang anak.
Giit ni De Jesus na hindi rebelde o terorista ang kanyang anak gaya ng mga lumalabas na alegasyon.
At sa pagtanggi aniya kamakailan ng PNP na hindi mga CIDG ang dumukot sa dalawa ay hinaing naman niya na walang ginagawang hakbang ang mga otoridad para hanapin ang dalawang biktima.
Tanging sila lamang aniya ang gumagawa ng mga hakbang at gumagalugad sa mga lugar na maaring pinagdalhan kina De Jesus at Capuyan.
Nauna na din silang lumapit sa Commission on Human Rights, kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at iba pang NGO pero bigo pa rin sila sa paghahanap hanggang sa ngayon.
Dahil dito ay nananawagan na si Mercedita kay DOJ Secretary Boying Remulla na sana ay matulungan sila na mahanap ang dalawang biktima ng enforced disappearance.