Tumambad sa mga tauhan ng BOC-Subic ang basura sa loob ng mga container van. Larawang kuha ng BOC.
SUBIC BAY FREEPORT — Dalawang container van na naglalaman ng mga potential hazardous waste na nagmula umano sa US ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Subic nitong Miyerkules.
Ayon kay Port of Subic district collector Maritess Martin, ang dalawang containers ay bahagi ng 30 containers na nakatakdang ilabas sa Subic Bay International Terminal Corp. at naka–consigned sa Bataan 2020 Inc.
Batay sa nakasaad sa bill of lading, deklarado ang mga container vans na naglalaman ng “American Old Corrugated Cartons for Repulping.”
Sa isinagawang inspeksiyon ng BOC tumambad sa mga awtoridad ang umano’y mga sari-saring basura, gaya ng mga lumang karton at iba pang ipinagbabawal na hazardous waste materials.
Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources, Patuloy ang isinasagawang inventory sa mga kargamento at sasampahan ng kaso ang consignee ng paglabag sa Section 1400 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at iba pang kaso na may kaugnayan sa environmental laws.