SUBIC BAY FREEPORT— Matagumpay na nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group bilang bahagi ng Other Law Enforcement Activities (OLEA) campaign nito laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Isinagawa ang nasabing operasyon noong Setyembre 4, bandang alas-3 ng hapon sa No. 9-B Grooper Street dito.
Ayon sa ulat na isinumite kay CIDG director Major Gen. Leo M. Francisco, ang operasyon ay nagresulta sa pagsagip sa 18 Chinese national at pagkakahuli sa dalawang suspek na kinilala sa mga alyas na Bao Go at A Hai, na umano’y sangkot sa human trafficking.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba mula sa Intelligence Division, CIDG sa koordinasyon ng CIDG Olongapo City Field Unit, Police Station 4 at intelligence unit ng Olongapo City Police Office, Intelligence Investigation Office at Law Enforcement Division ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Ipinatupad ng team ang Search Warrant No. 2024-32 para sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act) na sinususugan ng RA 10364 (The Expanded Human Trafficking Act of 2012) kaugnay ng Sec. 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) na inisyu ni Presiding Judge Melani Fay V Tadili ng RTC, Third Judicial Region, Branch 97, Olongapo City na may petsang Setyembre 3, 2024.
Sa operasyon, narekober sa mga suspek ang mga sumusunod na ebidensya: 18 desktop computer, dalawang CCTV digital video recorder, anim na Android mobile phone, anim na iPhone, iba’t ibang dokumento, bank card, ID, passport, isang safety vault, at iba’t ibang patalim.
Nakumpirma na walang menor de edad ang kabilang sa mga nasagip na indibidwal sa operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Intelligence Division sa Camp Crame, Quezon City ang mga naarestong suspek at nasagip na mga indibidwal, at nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon at karagdagang disposisyon.
Isang kriminal na reklamo para sa mga paglabag sa RA 9208, na sinususugan ng RA 10364, ang inihahanda para sa mga suspek. Larawang kuha ng CIDG-NCR