MALOLOS CITY—Isang aspirante sa pagka-alkalde ng bayan ng San Miguel at kapangalan ng dating baketbolistang si Bong Alvarez ang himalang nakaligtas sa pamamaril samantalang dalawang bodyguard niya ang napatay.
Kinilala ni Supt. Fernando Mendez ang biktimang nakaligtas na si John “Bong” Alvarez, isang negosyante, kapitan ng Barangay Sta. Ines at aspirante sa pagka-alkalde ng San Miguel sa susunod na taon.
Siya ay nadaplisan ng bala sa kanang braso.
Napatay naman sina Ruel Vidal, 52, ng Barangay Tibagan, at Josefino Alvarez ng Barangay Sta.Ines na kapwa bodyguard ng kapitan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok si Alvarez sa Jessica Spa sa Barangay San Juan, San Miguel bandang alas-5:30 ng hapon noong Lunes nang biglang paputukan ng tatlong lalaking nakasakay sa iisang motorsiklong Yamaha Neo na kulay asul..
Agad na tinamaan si Vidal, samantalang nakipagpalitan pa ng putok sa mga suspek si Josefino.
Sa pagkakataong ito, dumating ang isa pang suspek na sakay ng isang motorsiklo at armado ng M-16.
Ayon kay Kapitan Alvarez, tinadtad ng bala ng ika-apat na suspek ang pinto ng Jessica Spa upang makapasok at mapatay siya, ngunit hindi ito nagtagumpay.
Bago tuluyang lumisan ang mga suspek, naghagis pa ang mga ito ng isang granada ngunit pumutok, at binaril sa ulo ang mga sugatang sina Vidal at Josefino.
Sa panayam kay Kapitan Alvarez, sinabi niyang wala siyang kilalang kaaway, ngunit sa ulat ng pulisya, binigyang diin sa huling bahagi na si Alvarez ay nagdeklara ng kandidatura bilang alkalde ng San Miguel sa susunod na taon.
Kasalukuyan pang nag-iimbestiga ang pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaslang, ngunit isa sa kinukunsidera nila ay ang anggulo ng pulitika.
Nakarekober ang pulisya ng isang granada at maraming basyo ng bala mula sa M-16 at kalibre .45 sa crime scene.