Pinangunahan ni Maj .Gen Arnold Mancita, commander ng Air Logistics Command ng Philippine Air Force, ang turn-over at blessing ceremony para sa dalawang eroplano na nagmula sa South Korea.
Binindesyunan ang mga eroplano at matapos noon ay isinagawa din ang symbolic champagne-pouring sa dalawang eroplanong pandigma.
Ayon sa PAF, sa ngayon ay 10 na ang FA-50PH na nasa bansa at inaasahang darating na sa katapusan ng Mayo o buwan ng Hunyo ang nalalabi pang dalawang fighter jets.
Nasa halos P19 bilyon umano ang inilaan na pondo ng gobyerno para sa mga bagong eroplano.
Sa ngayon ay ginagamit na sa pagsasanay ng Philippine Air Force ang mga eroplano at hindi pa sa pagpapatrulya. Inaasahan na magpapaigting ng seguridad at kapayapaan ng bansa ang mga ito.
Ang FA-50PH ay isang multirole fighter supersonic advanced jet trainer na may kapasidad na magdala ng short range air-to-air missiles, air-to-surface missiles na may pang counter measures na shaft at infrared flares.
Ayon sa PAF, mataas ang morale ng kanilang hanay dahil sa pagbili ng mga bagong kagamitan na ito na bahagi ng modernization program ng AFP para sa enhancement ng defense capabilities ng bansa.