Home Headlines 2 babaeng lumabag sa quarantine protocol minolestiya ng pulis, marshal 

2 babaeng lumabag sa quarantine protocol minolestiya ng pulis, marshal 

1265
0
SHARE

MARIVELES, Bataan — Nahaharap sa kasong sexual assault at acts of lasciviousness ang isang pulis at isang team leader ng mga marshal dito na diumano’y nagmolestiya noong Biyernes sa dalawang babae na lumabag sa quarantine protocol.

Ito ang ibinunyag ng 19-anyos na dalagang  biktima sa isang panayam nitong Linggo. Siya diumano at ang kasamahan niyang 24-anyos na may-asawa ay minolestiya sa isang barracks malapit sa quarantine control checkpoint sa Batangas Dos, Mariveles.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na isang 25-anyos na patrolman ng Philippine National Police  at 53- anyos na marshall team leader dito.

Parehong naka-assign ang dalawa sa nasabing checkpoint sa Roman Highway  na mahigpit na nagpapatupad ng quarantine protocol sa mga pumapasok sa Mariveles.

Sa inisyal na ulat, habang nasa checkpoint ang mga suspek bandang alas-7 ng umaga ng Biyernes, nasita nila ang dalagang biktima dahil hindi ito  authorized person outside residence.

Dinala diumano ang biktima sa boarding house ng suspek na pulis para sa community service bilang parusa. Sa halip na community service, minolestiya diumano ng dalawa ang dalaga na nakapagsumbong bandang hapon ng nasabi ring araw.

Sinabi nitong Linggo  ng biktima  na hindi lamang siya kundi pati ang kasama niya ang inabuso ng pulis at marshal. Minolestiya diumano sila sa barracks na malapit sa checkpoint na pinalinis sa kanilang dalawa bilang parusa sa kawalan nila ng medical certificate at travel pass.

Nang matapos na silang maglinis, pinapasok diumano ng pulis ang kanyang kasama sa isang kuwarto habang hinihipuan siya ng marshal sa maselang bahagi ng kanyang katawan. “Nang pumalag ako, umalis na ito,” sabi nito.

“Nang lumabas ang pulis sa kuwarto ay pinapasok ako nito at pagkasara ng pinto ay pinilit niya akong paghubarin.  Naghubad ang pulis ng short at ipinakain sa akin ang ari nito,” sabi ng biktima.

Minolestiya din diumano ang kasama niyang babae. Hindi nasabi ng biktima kung ano eksaktong ginawa ng mga suspek sa kasama nito.

Habang ginagawan diumano siya ng masama, pilit na tinatalian ng pisi ang kanyang dalawang kamay ngunit sa kapipitlag niya, isang kamay lang niya ang natalian. “Makulong po sila.  Hindi kami papayag na maareglo,” sabi ng biktima.

Ayon sa nakatatandang kapatid ng biktima, nagulat siya nang dumating ang kanyang kapatid na umiiyak. Nagtapat umano ang kapatid  na minolestiya ito pati ang asawa ng kanilang pinsan.

“Haggard na haggard ang mukha, buhok pati kasuotan ng aking kapatid na para na itong . . . hindi ko maintindihan,” sabi nito.

“Mabulok sila sa kulungan. Hindi kami papayag makipag-areglo. Pangbababoy ang ginawa nila sa kapatid ko at sa asawa ng pinsan ko,” pahayag ng kapatid ng biktima.

Sinabi ni Marilyn Porquillano, hepe ng barangay violation against women and children’s desk sa Alas-Asin,  na  “ang dalawa ay biktima ng karahasan o pangmomolestiya.”

Nag-report umano ang dalawa sa kanilang barangay  sa nangyari sa kanila dahil lamang sa kawalan ng travel o quarantine pass.

“Sa kuwento ng mga ito ay hinold sila, dinala sa barracks, pinaglinis at pagkatapos ay isinagawa na ang pangmomolestiya sa kanila,” sabi ni Porquillano. Kita pa umano ang bakat ng pagkakatali sa kamay ng isang biktima.

Ayon sa ulat, nakadetine na ang dalawang suspek sa Bataan police provincial office sa Balanga City kung saan inihahanda na ang kasong rape by sexual assault and acts of lasciviousness.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here