CABIAO, Nueva Ecija – Arestado ang maghipag na hinihinalang tulak samantalang umaabot sa P478,720 ang halaga ng shabu na nasamsam sa buy-bust operation na isinagawa ng Cabiao police sa Barangay San Fernando Sur dito bandang 2:30 ng umaga nitong Lunes, Jan. 22.
Ang mga suspek na hindi pinangalangan ng pulisya ay isang 36-anyos na lalaki mula sa Barangay San Lorenzo at ang 44-anyos na hipag nito mula sa Barangay San Vicente, parehong nasa Gapan City, ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office.
Ayon kay Col. Richard Caballero, direktor ng NEPPO, ang pagkaka-aresto sa dalawa ay bunga ng ilang araw na pagsubaybay at intelligence operation na naging matagumpay matapos nakabili ng isang sachet na nasa .40 gramo ng hinihinalang shabu ang kanilang undercover na pulis gamit ang P2,500 na markadong salapi.
Matapos maaresto ay nakuhanan pa umano ng karagdagang shabu na tinatayang tumitimbang ng 70.40 gramo.
Ani Caballero, itinuturing na high-value individuals ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Cabiao police station at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
“These high-value individuals have undergone an extensive series of casing and surveillance activities. These individuals have been the focal point of our intelligence assets over the past weeks,” saad pa ni Caballero.
Bahagi aniya ito ng kanilang commitment na walisin ang salot at tugon sa direktiba ni Central Luzon police director Brig. Gen. Jose Hidalgo, Jr.