2 aklat tungkol sa Nueva Ecija, inilunsad

    1313
    0
    SHARE

    CABANATUAN CITY – Inilunsad sa lungsod na ito ang dalawang coffee table book na naglalaman ng kasaysayan ng Nueva Ecija mula sa una hanggang sa panahon ni dating Gov. Tomas N. Joson III.

    Nilahukan ng daan-daang negosyante, mga lider pamahalaan, kasama opisyal ng lokal na pamahalaan at hudikatura,at mga non-government organization ang pormal na poglulunsad ng mga aklat na may titulong ‘Nueva Ecija: Now and Beyond’ at  ‘Nueva Ecija: Pride and Legacy.’

    Ang una ay naglalaman ng literatura hinggil sa mayamang nakaraan ng lalawigan samantlanag ang ikalawa ay nagtatampok sa mga larawang nagpapakita ng “tunay na kagandahan ng Nueva Ecija.”

    Ayon kay Joson, taong 2005 pa nang simulan ang proyekto sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan at pribadong manunulat at manlilimbag. Gayunman, hindi nabayaran ng gobyerno ang proyekto nang matapos ang kanyang termino noong 2007.
    Dahil dito, ayon kay Joson, kinailangang magtulungan ang iba’t ibang grupo upang tuluyang malabas sa limbagan ang mga aklat. Kasamang nagtaguyod sa mga aklat ang Carol Foundation, Nueva Ecija Blood Council at Eduardo L. Joson Foundation.

    Ayon kay Board Member Rommel Padilla (Unang Distrito, Nueva Ecija), chairman ng committee on tourism sa Sangguniang Panlalawigan, malaking tulong ang aklat upang maisulong ang turismo ng probinsiya. Dito aniya ay makikita ang lahat ng potensiyal ng Nueva Ecija.

    Sinabi naman ni Board Member Raqueliza Agapito-Santos (Ikatlong Distrito) na maibabahagi ng mga aklat ang mayamang kasaysayan ng lalawigan sa mga susunod na salinlahi at mga dayuhan.

    “Ang Nueva Ecija ay isa sa mga lalawigang kumakatawan ng walong sinag ng araw sa Pambansang Watawat,” saad niya, “kaya’t mahalagang maunawaan ito ng ating mga kabataan.”

    Gayunman, nagpahayag ng panghihinayang si Joson sa aniya’y pagkasira ng ilang proyekto na kanyang naiwan. Iba na, aniya, ang anyo ng mga proyekto na tulad ng Pangatian Shrine at Nueva Ecija Sports Complex ngayon kaysa sa nasa larawan sa aklat.

    Ang Pangatian Shine na mamatagpuan sa Barangay Pangatian Cabanatuan City ay ang lugar kung saan iniligtas ng magkasanib-puwersang gerilyang Pilipino at sundalong Amerikano ang daan-daang sundalong Kano na bihag ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang yumaong ama ni Joson, dating Gob. Eduardo Joson, ay isa sa mga lider sa naturang operasyon.

    Samnatala, ang kikitain sa benta ng mga aklat ay gagamitin sa mga proyekto ng Carol Foundation na aktibo sa pagsasagawa ng libreng operasyon sa katarata, blood council at ELJ Foundation.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here