LUNGSOD NA MALOLOS (PIA) — Humigit kumulang isang libong residente ng lungsod ng Malolos ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Ito ay pinangasiwaan mismo ni Senador Imee Marcos na siyang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development at Mayor Christian Natividad.
Pahayag ng senadora, ito ay tulong ng pamahalaan sa mga nangangailangang mamamayan habang patuloy na ibinabangon ang ekonomiya dahil sa naging epekto ng pandemya ng COVID-19 gayundin sa nararanasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, diesel at gasolina.
Ayon naman sa hepe ng City Social Welfare and Development Office na si Lolita Santos, makatatanggap ang mga benepisaryo na kinabibilangan ng mga solo parents, fisherfolks mula sa mga latian barangay ng lungsod at iba pang nakararanas ng krisis sa buhay ng tig-tatlong libong pisong ayuda.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon.
Samantala, naglaan din ng halagang limang milyong piso si Senadora Marcos para sa magsasaka at mangingisda ng lungsod na nangangailangan ng suporta. (CLJD/VFC-PIA 3)