1993 Pagoda tragedy ginunita
    Fluvial parade ng Krus sa Wawa dinagsa pa rin

    941
    0
    SHARE

    BOCAUE, Bulacan—Matapos ang halos dalawang dekada ng trahedyang nangyari sa selebrasyon ng kapistahan ng Krus sa Wawa sa bayang ito noong 1993 ay marami pa rin na deboto ang tumatangkilik dito taon-taon.

    Ang piyesta ng Krus sa Wawa ay isinagawa kahapon sa halip na noong nakaraang Linggo bilang respeto sa mga biktima ng tinaguriang “Pagoda tragedy” na ikinasawi ng maraming deboto nito may 19 na taon na ang nakakalipas.

    Ang kapistahan ay para sa pasasalamat sa kanilang mahal na poon na nagbibigay sa kanila ng masaganang buhay taon-taon.

    Kahapon ay isinadula ng mga deboto ang nangyaring trahedya noon bilang pag-alaala sa mga biktima ng trahedya noong July 2, 1993.

    Naging dahilan ng trahedya ay ang sobrang dami ng taong sumakay sa pagoda kaya’t ito ay lumubog na nagresulta sa pagkasawi ng maraming deboto.

    Dahil sa trahedyang nangyari naging maingat na ngayon ang mga taga Bocaue sa pagdadaos ng kanilang kapistahan ng Krus sa Wawa.

    Ayon kay Ernesto Guillermo, Jr., presidente ng parish pastoral council ng St. Martin of Tours, upang maiwasan na muling mangyari ang nasabing trahedya ay nilimitahan nila sa 50 katao ang dami ng sasakay sa pagoda.

    Tinitiyak na rin  ng pamunuan nila na matibay ang mga istraktura ng kanilang pagoda.

    Ayon pa kay Guillermo, inilipat nila ang petsa ng kanilang kapistahan upang magbigay galang sa mga nasawi sa nasabing trahedya sa halip na July 2 ay ginawa nila itong unang araw ng Linggo matapos ang July 2.

    Nag-aalay sila ng misa at dasal tuwing July 2 para sa mga nasawi sa malagim na trahedya ng kanilang kapistahan.

    Bukod sa mga misa ay nagdaos din ng dramatization sa simbahan ng kung saan nagmula naman ang kanilang Mahal na Poon ng Krus sa Wawa.

    Matapos ang misa ay isinakay na sa pagoda ang kanilang mahal na poon para sa kanilang taunang fluvial parade sa ilog ng Wawa sa bayang ito.

    Naka-antabay naman ang mga rescue team para sa kaligtasan ng mga deboto upang maiwasan na ang sakunang nangyari.

    Dagsa pa rin ang mga deboto sa taunang fluvial parade na inabot ng halos isang oras matapos niyon ay ibinalik na ang Krus ng Wawa sa kanilang simbahan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here