Naka-lockdown ang Provincial Youth Delinquent Center ng Bulacan. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Labing-anim na kabataan na nasa pangangalaga ng Provincial Youth Delinquent Center, habang 33 empleyado naman sa Pamahalaang Bayan ng San Ildefonso ang nagpositibo sa Covid-19.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, response and vaccine cluster head ng Bulacan Provincial Task Force Against Covid-19, naka–lockdown ang naturang center at maging ang mga kawani nito ay nagpositibo rin sa isinagawang RT-PCR test.
Patuloy ang kanilang monitoring sa mga nagpositibo at ipinagbabawal muna ang pagtanggap ng dalaw sa mga nasabing center.
Ang 33 empleyado naman ng munisipyo ay unang nagpositibo batay sa resulta ng antigen test ng mga ito. Lahat kasi ng kawani ng nasabing munisipyo ay isinailalim sa antigen test dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpo-positibo sa Covid-19 sa Bulacan.
Ang 33 ay nagpositibo pa rin matapos ang confirmatory test na RT–PCR swab test kayat agaran silang pinayuhang mag-self–isolate. Nagsasagawa narin ng contact tracing sa kanilang mga nakasalamuha.
Pansamantala ding sinuspinde ang operasyon ng municipal hall para sa disinfection maliban sa municipal health office at MDRRMO.
Maging ang alkalde ng San Ildefonso na si Carla Galvez-Tan ay nauna nang tinamaan ng Covid-19 at kasalukuyan pang nagpapagaling.
Batay naman sa pinakahuling ulat ng Bulacan Provincial Health Office, umakyat na sa 19,788 ang naitatalang kaso ng Covid-19 sa lalawigan. Nasa 3,918 pa ang hindi gumagaling at 527 na ang kabuuang namamatay.