16 kababaihan rumampa sa Ginang Buntis pageant

    887
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan – Labing-anim na piling babae ang rumampa, gumiling, humataw at nagpakita ng angking gandang buntis at talinong buntis Biyernes ng gabi sa pagnanais na masungkit ang titulong “Ginang Buntis 2011” dito.

    Ang Buntis pageant ay nasa ika-anim na taon na at tanging ang bayan lamang ng Mariveles ang may ganitong programa sa buong Bataan.

    “Inilunsad natin ang pageant sa tulong ng Municipal Health Office hindi upang maging katawa-tawa ang mga buntis kundi sa pagnanais nating maging malusog ang lahat ng batang ipapanganak sa Mariveles,” pahayag ni Mayor Jessie Concepcion, isang dentista.

    Ang butihing kabiyak ng mayor na si Cleoty Concepcion, isa ring dentista, ang punong-abala sa pageant na nagsisimula sa Buntis Congress kung saan pinapayuhan ang mga babae sa tamang pagbubuntis at ang responsible parenthood.

    Ang mga kalahaok ay buntis mula limang buwan pataas at hindi bababa sa 18 taong gulang.
    Sinabi nina Mrs. Concepcion at Municipal Health Officer Dr. Velasco na naging mahigpit sila sa edad ng mga babae “upang madiscourage ang teenaged pregnancy na dumarami.”

    Nagsimula ang pageant sa isang production number ng 16 na kandidata na pagkatapos ay isa-isang nagpakilala sa masigabong palakpakan ng maraming sumaksi sa Marivele People’s Park.

    Sumali sa production number ang Ginang Buntis 2010 na nakapanganak na. Ipinakilala niya ang kanyang kalong-kalong na anak sa kanyang farewell portion.

    Nagpakita ng galing ang mga kalahok sa talent portion na kung hindi lamang umuusli ang mga tiyan ay mapagkakamalang tunay na mga kandidata sa timpalak kagandahan.

    May sumayaw, kumanta, gumiling ng husto.

    Lalong lumitaw ang ganda ng mga buntis sa suot nilang long gown. Naging romantiko ang palalim ng gabi nang haranahin ang mga kandidata ng isang local singer habang sinasaliwan ng sikat na Banda Kawayan ng Polytechnic University of the Philippines Mariveles Branch.

    Sumunod ang Question and Answer portion sa 16 na kandidata na ang mga tanong ay umikot tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa pagbubuntis at family planning.

    Halatang-halata na nahirapan ang walang kakibo-kibong mga hurado sa pagpili ng limang finalists. Sumalang ang lima sa panibagong Q & A na iisang tanong lamang para sa kanilang lahat. Binigyan sila ng tatlong minuto upang isulat ang kanilang sagot.

    Napili ang candidate No. 16 ng barangay Cabcaben na si Kacelyn Abad bilang Gng. Buntis 2011 at ang apat na runner-ups habang hindi magkamayaw ang maraming tao.

    Bukod sa premyong cash, packages, bouquet at sash, may libreng new born screening para sa 16 na kalahok.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here