SUBIC, Zambales — May 150 kwalipikadong mangingisda mula sa mga bayan ng Subic, Sta. Cruz, at Masinloc ang tumanggap ng tig-P10,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development sa isinagawang Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran (KKK Fisherfolks’ Congress na) ginanap dito Sept. 23-24.
Pinulong ng National Security Council (NSC) upang pag-usapan ang mga kasalukuyang problemang kinakaharap ng mga mangingisda dulot sa mga kaganapan sa West Philippine Sea particular sa Panatag (Scarborough) Shoal o Bajo de Masinloc.
Bukod sa tulong pinansyal ay nabigyan rin ang mga mangingisda ng dalawang family food packs, na naglalaman ng bigas, assorted canned goods at food items para sa kanilang pamilya.
Ang Department of Health ay nagbigay naman ng family health pack, first aid na magagamit ng mga ito sakalaing may aberya sa laot.
Isa sa mga benepisaryo na tumanggap ng ayuda ay si Leonel Dizon Agbones ng Masinloc, Zambales kung saan iniabot ito nina Jonathan Malaya, assistant director-general mg NSC, at Venus Rebuldera, regional director ng DSWD Region 3.
Layon ng dalawang araw na kongreso ang umano’y ipabatid sa mga apektadong komunidad ang mga ginagawa ng pamahalaan upang ipaglaban ang WPS sa pamamagitan ng panawagan para sa maritime peace.
Hinikayat din rito ang mga kalahok na maging makabayan at pa-iralin ang bolunterismo para sa mga advocacy campaign sa pinatatalunang teritoryo.
Tinuruan din ang mga mangingisda ng basic first aid at life-saving knowledge na kakailanganin nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay sa karagatan gayundin sakaling magkaroon ng mga kalamidad.
Lumahok din ang BFAR, DA, PCG, AFP sa pamamagitan ng pagbibigay ng updates sa mga programa ng gobyerno para protektahan ang kaligtasan at isulong ang kapakanan ng mga komunidad ng mangingisda lalo na ang mga naghahanapbuhay sa West Philippine Sea.