Ang naarestong suspek habang kinukuhanan ng mugshot sa pulisya. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Nagtulug-tulugan ang isang 15-anyos na babaeng may diperensya sa pag-iisip para makaligtas sa kamatayan matapos siyang molestyahin ng kapitbahay sa Barangay Guinhawa.
Bugbog-sarado, may pasa sa ibat-ibang bahagi ng katawan at marka sa leeg ang biktima na itinago sa pangalang “Lana” matapos ang panghahalay sa kanya ng suspek na si Ranil Labitag, 47, jeepney barker na kapitbahay ng biktima.

Ayon sa tiyahin ng biktima sinundo ng suspek ang biktima sa bahay nito para umano kumuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ngunit dinala ng lasing na suspek ang biktima sa bahay nito at itinali, binugbog, minolestya at sinakal.
Aniya, talagang intensyon ng suspect na patayin ang biktima dahil sa tindi ng pagkakasakal dito.
Nagpanggap lang daw na patay na ang biktima sa pamamagitan ng pagtutulug-tulugan at nang makatyempo ay agad na tumakas palabas ng bahay ng suspek.
Duguan ang biktima na sumisigaw ng saklolo nang makita ng mga kapitbahay at tinulungan na dalhin sa presinto.
Agad na nagsagawa ng follow up operation ang pulisya at nadakip ang suspek.
Ayon pa sa tiyahin, ngayon ay hinihintay pa nila ang resulta ng medico legal ng biktima upang makumpirma kung ginahasa pa ng suspek ang biktima.
Bukod dito ay kinukuhanan din daw siya ng suspek ng litrato at video gamit ang cell phone habang ginagawa ang krimen.
Samantala, ayon sa Malolos police naisalang sa inquest proceedings si Labitag ngunit pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa sa mga kasong seduction of minor at physical injuries in relation to child abuse.