LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — May 143 bags ng dugo ang nakolekta sa dalawang isinagawang blood donation drive para sa mga sundalo sa SM City Marilao.
Sa isang blood donation drive, umabot sa 66 bags ang nakolekta na inorganisa ng Army 7th Infantry Division o 7ID na nakabase sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
May 77 bag ng dugo naman ang nakolekta sa bloodletting activity mula sa mga tenants, empleyado at affiliates ng naturang mall noong Setyembre 7 at 8.
Ayon kay Army 70th Infantry Battalion o 70IB Commander Lt. Col. Ronel Dela Cruz, malaking tulong para sa mga sundalo ang ginawang pagdodonate ng dugo ng iba’t ibang ahensiya at organisasyon upang maseguro nila na may nakalaan dugo para sa kasamahan nilang sundalong nangangailangan.
Mismong ang mga blood donor ang pormal na nagbigay ng nakolektang dugo sa mga sundalo ng 7ID
Samantala, pinuri ni 7ID Commander Major General Andrew Costelo ang 70IB sa kanilang mahalagang partisipasyon sa 7ID-Wide Simultaneous Bloodletting activity.
Aniya ang bloodletting activity na ito ay isang mahalagang kaganapan na nagpapakita ng pagkakaisa sa mga tauhan ng 7ID at mga stakeholder nito upang tulungan ang mga nangangailangan at mapahaba ang buhay ng isang tao.
Ang aktibidad ay pagsuporta rin sa Republic Act 7719 o ang National Blood Services Act of 1994 na nagpro-promote at humihikayat ng boluntaryong pagbibigay ng dugo upang magkaroon ng katatagan ng suplay ng ligtas na dugo.
Ang blood donation drive ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Health, Philippine General Hospital, Philippine Blood Center, Dugong Alay Dugong Buhay Incorporated at ng SM Foundation Inc.
Nakasentro ang aktibidad sa temang, “Dugong Alay ng Kaugnay, Dugtong ng Inyong Buhay.