14 silid aralan natupok

    355
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS —  Nilamon ng apoy ang 14 na silid aralan sa Malolos City Integrated School (MCIS) matapos ang dalawang oras na sunog kahapon ng umaga.

    Walang nasaktan sa sunog ngunit ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) tinatayang aabot sa P3.2 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.

    Ayon kay Bulacan Fire Marshall Romeo Rillo, ang sunog ay nagsimula bandang alas-4:30 kahapon ng madaling araw.

    Ang sunog ay umabot ng ikalawang alarma at naideklarang fire out makalipas ang dalawang oras.

    Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang sunog ay nagsimula sa faculty room at mabilis na kumalat sa sa kantina, supply room, maging sa elementary at high school classrooms.

    Ayon kay Mayor Christian Natividad, ang nasunog na faculty room ay itinayo noong 1975 at pinag-aaralan ng BFP ang posibilidad ng faulty wiring bilang sanhi ng sunog.

    Sa panayam sa telepono, sinabi ng alkalde na kabilang sa mga nasunog ay ang special education (Sped) classroom na ginagamit ng mga differently abled students.

    Nasunog din ang mga kagamitan tulad ng mga computers.

    Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na hindi nasunog ang silid aralan na noong isang  taon ay isinailalim sa renobasyon sa pangunguna ni Ambassador Bienvenido Tantoco ng Rustan’s Corp.

    Matatandaan na sa pagdiriwang ng kanyang ika-91 taong kaarawan noong nakaraang taon, nagdonasyon si Tantoco para sa renobasyon ng mga silid aralan bilang pagpapasalamat sa paaralan kung saan siya nagtapos ng elementarya.

    Ang MCIS ay kilala sa dating pangalang Malolos Central School.

    Ngunit noong 2010, ito ay tinawag na MCIS dahil sa pagbubukas ng klase para sa high school.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here