Ipinagkakaloob ni Mayor Sylvia Austria ang mga relief assistance mula sa DSWD at pamahalaang bayan ng Jaen para sa mga PWDs. Kuha ni Armand Galang
JAEN, Nueva Ecija – Mahigit 1,300 na maykapansanan o persons with disabilities ang nabiyayaan ng relief packs sa magkatuwang na aktibidad ng Department of Social Welfare and Development at pamahalaang bayan nitong Huwebes.
Ayon kay Paperlyn Pablo, municipal social welfare and development officer ng bayang ito, co-sharing ng kanilang ahensya at local government unit sa pamumuno ni Mayor Sylvia Austria ang kanllang isinagawa upang mapagkakooban ng relief assistance ang lahat ng PWDs mula sa 27 barangay ng bayang ito.
Ang mga may inborn o permanenteng kapansanan ay siyang tumanggap ng mga kahon ng relief goods mula sa DSWD, samantalang sa munisipyo naman nanggaling ang ibinigay sa mga may chronic illness, ayon kay Pablo.
Ito na aniya ang ikalimang pagkakataon na namigay ng relief assistance ang munisipyo bilang tugon sa pandemyang Covid-19.
Ang mga relief packs, ani Pablo, ay naging karagdagang tulong ng kanilang ahensya bukod sa pinansiyal na ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Sinabi ni Austria na nais nilang mapagkalooban lahat ng may kapansanan at kondisyong medikal kaya dinagdagan pa nila ang kaloob ng DSWD.
“Meron din dahil hindi sasapat para sa PWDs kaya sinamahan namin ng galing sa munisipyo,” sabi ni Mayor Austria matapos ang aktibidad na nilahukan din ni konsehal Sylvestre Austria mula sa sangguniang bayan.
Kamakalawa ay namahagi rin ang LGU ng suporta sa mga driver na ilang buwan ding hindi nakapaghanapbuhay dahil sa pandemya.
Naging katuwang naman dito ng LGU ang National Grid Corp., ayon sa alkalde.