MARIVELES, Bataan — lsa sa labing-apat na mangingisda ang nakaligtas matapos hampasin ng nalalaking alon sa laot ang kanilang sinasakyang fishing boat dala ng sama ng panahon.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Bataan provincial police director Col. Villamor Tuliao, pumalaot ang 14 na mangingisda sakay ng fishing vessel na 3 Sister noong Oktubre 28 patungo ng Reed Bank nang abutan sila ng sama ng panahon sa laot at mawasak ang kanilang bangka.
Nasagip ng mga taga Zambales na mangingisda ang biktimang si Angelito Epitito, 25, ng Sisiman, Mariveles matapos itong makitang palutang-lutang sa laot.
Batay sa kuwento ni Epitito sa pamamagitan ng hand held radio kay Sisiman barangay chairman Dalisay Cruz, nagpalutang-lutang ito sa laot gamit ang styro foam habang ang 13 kasamahan nito ay magkakasamang nakatali sa katawan na nagpapalutang-lutang habang hinahampas ng malalaking alon.
Nakatakdang ihatid ng mga Zambaleñong mangingsida si Epitito sa Bataan habang nagpapatuloy naman ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard sa 13 mangingisda na nakilalang sina Ronilo Epetito, 31; Bobby Gabales, 32; Christian Gabales, 28; Don-Don Narciso, 22; Jerry Mantoring, 27; Jerry Villaruel, 26; Ariel Epetito, 30; Frederick Falogme, 31; Jeff rey Abayin, 21; Alamat Binocan; Ruel Gueico; Joel Negrido at ang boat captain na si Lauriano Delos Santos, 59, pawang mga taga Mariveles, Bataan.