FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija (PIA) — Libreng nakapagpatingin sa doktor ang nasa 120 katutubong Dumagat at Igorot sa bayan ng General Tinio, Nueva Ecija.
Nakipagtulungan ang Operation Blessing Foundation Philippines sa mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion sa pagdaraos ng medical, dental at surgical mission sa Sitio Mapedya, Barangay Rio Chico mula sa nabanggit na munisipyo.
Ayon kay Army 7th Infantry Division Commander Major General Andrew Costelo, laging nakasuporta ang mga kasundaluhan sa mga ganitong uri ng inisyatiba na nakatutulong sa komunidad at pamumuhay ng mga katutubo na naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar.
Kaniyang pinasalamatan ang buong pamunuan at miyembro ng OB Foundation Philippines sa paghahatid ng serbisyo lalo na sa mga higit na nangangailangang sektor.
Kabilang sa mga inilapit na tulong sa mga katutubo ang libreng mental at spiritual counseling, general check-up, dermal consultation at dental services.
Bukod pa rito ang mga ipinamahaging libreng gamot at food packs sa mga nabanggit na benepisyaryo.
Ipinahayag ni OB Foundation Philippines Medical Field Supervisor Serwin Gino Agban na layunin ng mga ginagawang aktibidad na makatulong sa mga tao na malalayo sa ospital.
Ang OB aniya ay isang Christian Organization na hangad ding ibahagi ang pag-ibig ni Hesus sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga katutubo sa buong medical team at mga kasundaluhan na nagpakapagod sa pagtungo sa kanilang lugar upang maghatid ng tulong at serbisyo sa komunidad. (CLJD/CCN-PIA 3)