Sa diwa ng bayanihan, nagtutulong-tulong ang mga tao sa pagpapasa-pasa ng mga timba ng tubig upang gamitin sa pag-apula sa sunog. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Tinupok ng apoy Biyernes ng umaga ang 12 bahay sa isang barangay dito at nagtamo ng third degree burn ang isa sa nasunugan sa gitna ng paminsan-minsang pag-ambon.
Matinding bayanihan ang ipinakita ng maraming tao na gumawa ng mahaba at maraming pila upang magpasahan ng timba-timbang tubig upang ibuhos sa nagngangalit na apoy sa mga bahay sa Sitio Bitas sa Barangay West Calaguiman.
Sinabi ni fire marshal Jholant Hipolito na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng sunog at halagang iniwan nito. Ang nasunog, aniya, ay 12 bahay.
Kinilala ni Hipolito ang nasaktan na si Ernesto Rodriguez, may-ari ng isa sa mga nasunog na bahay, na isinugod sa Bataan General Hospital annex sa Balanga City.
Tumanggap umano sila ng tawag na may sunog bandang 9:35 ng umaga at agad silang rumesponde. Under control, aniya, ang sunog ng 10:25 at ganap na na-fire out ng 10:40 ng umaga ring yon sa tulong ng anim na fire trucks.
Ayon kay West Calaguiman barangay chairman Bernardo Pinili, ang nasunog ay 12 bahay at 15 pamilya ang naapektuhan.
“Batay sa initial na report, sa kuryente daw ang dahilan ng sunog pero hindi pa malinaw. Basta daw may pumutok na kuryente. Sa ngayon, under control na ang fire,” sabi ng kapitan.
Umiiyak na sinabi ni Jona Baladjay na isa ang bahay niya na nasa harapan ang nasunog. Hindi raw niya alam kung paano nagsimula ang sunog.
“Wala ako sa bahay, nasa gripo ako noon at naglalaba ako. Labahin ko nga eto ang itsura oh. Wala kami nailigtas kahit isa,” sabi nito habang ipinapakita ang nilbhan na tanging naiwan sa kanila ng apoy.
Ayon naman kay Jossie Cabrera, nasa paaralan siya para kumuha ng modules ng anak nang mangyari ang sunog. Ang mga anak umano niya ay nasa bahay pero nakalabas naman ang mga ito. “Lahat wala akong nakuha, wala akong naisalbang gamit.”
Agad namang sumugod sa lugar si Mayor Aida Macalinao upang tingnan ang takbo ng pagpatay ng sunog at magpaalaala na mag-ingat.