Home Headlines 1,154 Tarlakenyo, benepisyaryo ng programang pautang ng LANDBANK

1,154 Tarlakenyo, benepisyaryo ng programang pautang ng LANDBANK

516
0
SHARE
Ibinahagi ni Land Bank of the Philippines Tarlac Lending Center Head Demetrio Espiritu III na may kabuuang halaga na P105.5 milyon na ang naaprubahang pautang sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund sa lalawigan ng Tarlac. (Gabriela Liana S. Barela/PIA 3)

LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — Nasa 1,154 Tarlakenyo ang benepisyaryo sa Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) Lending Program ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK).

Ito ay programang pautang ng naturang bangkong pag-aari ng estado na naglalayong matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, at micro and small enterprises na nakatuon sa agrikultura.

Sinabi ni LANDBANK Tarlac Lending Center Head Demetrio Espiritu III na ang ACEF ay

tumutugon sa mga pangangailangang pampuhunan para sa pagsasaka, kasama na ang pambili ng mga makinarya at post-harvest facilities upang lalong mapataas ang dami at kalidad ng produksyon.

Kabilang sa mga maaaring umutang ang mga magsasakang nagtatanim sa bukid na hindi lalagpas sa limang ektarya ang laki ng lupang sinasaka.

Kwalipikado rin ang mga nag-aalaga ng hayop na hindi hihigit sa 1,000 poultry layer o 5,000 broilers ang alagang manok; 10 sow level o 20 fatteners, kung nag-aalaga ng baboy; 10 fatteners o five breeders, kung nag-aalaga ng baka; at 50 kung nag-aalaga ng kambing.

Samantala, maaaring makahiram ang mga mangingisda na may bangkang may kapasidad na tatlong tonelada, o ‘di kaya ay may fish cage na hindi lalagpas ang laki sa 400 metro kwadrado.

Kwalipikado rin ang mga micro and small enterprises na mayroong mga ari-ariang hindi hihigit sa P15 million ang kabuuang halaga.

Ilan sa mga proyektong maaaring pondohan sa ilalim ng ACEF ang pambili ng farm inputs tulad ng binhi o abono, makinarya at kagamitan tulad ng bangka para sa pangingisda, at pagpapatayo ng gusali gaya ng manukan at babuyan.

Handang magpautang ang LANDBANK ng hanggang 90 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto, ngunit hindi lalagpas ng P1 milyon para sa mga magsasaka at mangingisda, at P5 milyon naman para sa mga kooperatiba at asosasyon, at mga micro and small enterprises.

Fixed ang interest rate nito sa kabuuan ng loan term na nasa dalawang porsyento.

Sinabi ni Espiritu na mas kaunti ang mga hinihinging dokumento para makapag-aplay sa ACEF upang mas marami ang matulungan sa sektor ng agrikultura.

Base sa tala ng LANDBANK, umaabot na sa P105.5 milyon ang naaprubahan na loan sa lalawigan ng Tarlac sa unang kwarter ng taon.

Para magkapag-aplay, ang mga magsasaka at mangingisda ay kailangang kumpleto ang loan application form at business plan o farm plan, kung ang halagang hihiramin ay P250,000 pataas.

Maaaring lumapit sa Regional o Provincial Loan Facilitating Team ng Department of Agriculture para magpatulong sa paggawa ng business o farm plan.

Kailangan din ng permit o clearance mula sa nakakasakop na lokal na pamahalaan kung ang aaplayan ay production loan, at proof of land ownership o lease hold contract.

Para sa mga micro at small enterprises, kailangan mag-sumite ng kumpletong loan application form, kopya ng registration mula sa Department of Trade and Industry o sa Securities and Exchange Commission, at business o farm plan.

Dapat ding isumite ang mga permit o clearance mula sa lokal na pamahalaan at financial statement para sa small enterprises. (CLJD/GLSB-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here