Nakuha ni Barangay Kagawad Alfredo Lunes ang pansin ng kapitolyo at RDC sa pamamagitan ng Facebook.com upang mabigyan ng sapat na pondo at mapakumpuni ang mga parola sa Bulacan.
Kuha ni Dino Balabo
LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi bababa sa 10 parola ang kukumpunihin at itatayo sa Bulacan, Pampanga, at Bataan sa baybayin ng look ang Maynila sa susunod na taon.
Ito ay matapos pagtibayin ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon ang isang resolusyon na nag-endorso sa nasabing proyekto upang mapondohan ng pamahalaang pambansa.
Ang RDC ay nagpulong sa Hiyas ng Bulacan Covention Center (HBCC) sa bakuran ng kapitolyo sa lungsod into sa pangunguna Mayor Oscar Rodriguez ng San Fernando Pampanga noong nakaraang Miyerkoles.
Bilang taga-pangulo ng RDC, tinanggap ni Rodriguez ang resolusyon ng Sectoral Committee on Infrastructure Development (SCID) na pinamumunuan ni Gob. Wilhelmino Alvarado ng Bulacan na nag-endorso sa nasabing proyekto.
Ang nasabing proyekto ay nag-ugat sa artikulong inilathala ng Punto noong Pebrero hinggil sa kalagayan ng parola sa Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy matapos itong kunan ng larawan ng kagawad ng nasabing barangay ay ilathala sa Facebook.com.
Bilang tagapamuno ng SCID, tinugunan at inihain ito ni Alvarado sa kanilang komitee noong Abril. Ngunit hindi lamang ang parola sa Barangay Pugad ang binigyang pansin ni Alvarado.
Sa halip ay isinama niya ang pagpapakumpuni sa parola sa Barangay San Roque sa Hagonoy, at isa pa sa bayan ng Bulakan.
Ayon sa tala ng Coast Guard of the Philippines (CGP) na nakuha ng PUNTO sa website nito sa internet, ang mga nasabing parola ay pawang nasa kalagayang “operating” o gumagana pa.
Ngunit ayon sa mga residente ng Pugad na mga mangingisda sa bayan ng Hagonoy, ilang taon ng walang dingas o di gumagana ang ilaw ng mga parola kung gabi.
Bukod sa pagpapakumpuni ng mga nasabing parola, ipinanukala din ni Alvarado ang pagtatayo ng isa pa sa bayan ng Obando.
Sa pulong ng SCID noong Hunyo 30 sa Partyland Restaurant sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, humabol si Mayor Donato Marcos ng Paombong at ipinanukala ang pagtatayo ng dagdag na dalawang parola sa baybayin ng kanyang bayan, and tinanggap naman ng SCID.
Si Marcos ang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Bulacan.
Bago tuluyang mapagtibay ng RDC ang nasabing resolusyong nitong Hulyo 13, ipinanukala naman ni Mayor Jaime Payumo ng Dinalupihan, Bataan na idamay na ang pagpapakumpuni sa mga parola sa baybayin ng Bataan at Pampanga.
Si Payumo ang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Bataan.
Batay sa tala ng CGP, may 16 na parola sa baybayin ng look ng Maynila mula Cavite hanggang Bataan, kung saan ay tatlo sa mga ito ay matatagpuan sa Mariveles, Bataan; dalawa sa Hagonoy, at tig-isa sa Malolos at Bulakan.
“Lubhang kailangan ng aming mga kababayang mangingisda ang mga parola sa baybayin ng Bulacan sapagkat ito ang nagsisilbing gabay nila kung gabi,” ani Alvarado na inayunan ni Marcos.
Iginiit pa ng punong lalawigan na maging ang mga mangingisda sa ibang lalawigan ay makikinabang sa nasabing proyekto.
“Kung gabi at ikaw ay nasa gitna ng Manila Bay, kapag nakita mo ang ilaw ng parola sa Pugad sa Hagonoy, alam mo na kapag bumanda sa kaliwa ay mararating mo ang Pampanga; at kapag kumanan ka ng konti ay Malolos at Obando o kaya’y Navotas at Malabon,” ani Alvarado sa mga kasapi ng RDC.
Inayunan naman ito ng mga mangingisda sa bayan ng Hagonoy maging ng mga kagawad na sina Bernard Dave Concepcion at Alfredo ng Lunes ng Pugad.
Ayon kay Lunes, basta’t may ilaw ang parola, natutukoy ng mga mangingisda sa karagatan kung saan lugar sila makakahuli ng malalaking isda.
Ito at dahil sa tinatantya ng mga mangingisda ang hanay ng mga ilaw sa dalampasigan kung gabi upang matukoy ang lugar sa karagatan na masagana sa isda.