CABANGAN, Zambales – Sampung delingkwenteng employers sa bayang ito ang pinadalhan ng show cause order ng Social Security System-Zambales kaugnay sa kampanyang Run After Contribution Evaders (RACE) nitong May 16.
Pinangunahan ni SSS-Zambales acting branch head Ihreen Grace Sagaoinit, ang pagsisilbi ng show cause orders sa 10 tindahan sa Cabangan dahil sa hindi pagre-remit ng SSS contribution ng kanilang empleyado.
Ang mga delingkwenteng employers ay binigyan ng 15 araw para ayusin ang kanilang obligasyon sa SSS.
Ayon kay Sagaoinit, nagsimula ang RACE campaign ng SSS-Zambales noong February 17 hanggang May 16 kung kailan ang 46 na delingkwenteng employer ay kanilang natukoy sa mga paglabag. Dalawampu’t anim dito ang hindi nakapagrehistro, at 20 ang hindi nakapaghulog ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Kaugnay nito nasa 23 mga employers na hindi nakasunod sa panuntunan ng SSS ang ini-refer na sa legal division at hinihintay na lamang ang desisyon kung sila ay sasampahan ng kaukulang kaso.
Ang RACE ay isang programa ng SSS para hikayatin ang mga employer na itama ang kanilang mga pagkukulang sa kontribusyon.
Inilunsad RACE noong 2017 upang matiyak ang proteksyon ng social security ng mga miyembro nito.
Sa pamamagitan ng RACE, layunin ng SSS na itaas ang kamalayan at disiplina sa mga employer tungkol sa kanilang mga legal na obligasyon at tulungan din ang mga employer na bayaran ang kanilang mga natitirang kontribusyon.
Mula February hanggang May ang SSS ay nakakolekta ng kita na umaabot sa
P816,751.65 kasama na dito ang penalty na umaabot sa P103,001.65.
Samantala, sa Olongapo City ay walong delingkwenteng employer ang binigyan ng show cause order matapos hindi magbayad ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Ang mga may-ari ng establisyimento ay binigyan ng 15 araw para ayusin ang kanilang obligasyon.
Photos: Johnny Reblando