10 bata suspetsang may tigdas

    331
    0
    SHARE

    BALANGA CITY – Sampung bata ang kasalukuyang ginagamot sa Bataan dahil sa hinalang pagkakaroon ng tigdas samantalang patuloy naman ang monitoring at surveillance ng Provincial Health Office sa nasabing nakakahawang sakit.

    Ayon kay Dr. Rosanna Buccahan, provincial health officer, apat ang naka-confine sa isang public hospital at anim naman ang kasalukuyang ginagamot sa iba’t-ibang rural health units sa lalawigan. “Itinuturing pa lang namin silang suspects na may tigdas dahil kailangang ma-confirm ito pagkatapos ng laboratory test ng RITM,” sabi ng Bataan PHO.

    “Paalaala sa mga nanay na may anak na nine months, dalhin sila for regular vaccination sa mga RHUs para hindi sila magkaroon ng tigdas,” sabi ni Buccahan. Noong nakaraang taon umano ay may dalawang batang kumpirmadong may tigdas matapos ilabas ng RITM ang resulta ng lab test.

    Kinumpirma ni Mauro Jaraba, information officer ng Bataan General Hospital sa Balanga City, na may apat na batang kasalukuyang naka- confine sa pediatric ward dahil sa hinalang may tigdas. Ang apat na bata na edad
    anim na buwan hanggang magtatatlong taon ay may mga pantal sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. “Napuna ko na may batik- batik sa katawan ang anak ko na parang bungang-araw noong Biyernes ng hapon.

    Noong Linggo ay naglabasan ang tigdas kaya dinala ko sa ospital,” sabi ng ina ng mahigit dalawang taong gulang na batang lalaki. Ang bata ay may mga pantal sa paa, katawan at mukha hanggang noo.

    “Hindi ko siya napabakunahan laban sa tigdas dahil madalas siyang nasa ospital,” sagot ng ina sa tanong kung napabakunahan ba niya ang anak.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here