1 patay, 3 sugatan sa banggaan

    387
    0
    SHARE
    ABUCAY, Bataan- Dalawang maituturing na higanteng sasakyan ang nagbanggaan malapit sa pasalunga at kurbadang bahagi ng Roman Superhighway sa Calaylayan, Abucay na naging dahilan ng pagkamatay ng isang tao at pagkasugat ng tatlong iba pa Sabado ng gabi.

    Ayon kay Allan Salalila, Abucay police investigator, isang pamasaherong bus ng Genesis Bus Corp. at isang tractor head na may hila-hilang 20-foot trailer ang nag-head-on collision bandang alas-8:45 ng gabi.

    “Sa lakas ng impact, tumilapon ang driver ng tractor  head sa loob ng Genesis bus at nagkaharap sila ng driver naman ng bus,” sabi ng imbestigador. Patay noon din ang driver ng tractor head na kinilalang si Rolando Navarro ng Meycauayan, Bulacan.

    Isinugod naman sa Isaac and Catalina Medical Center sa Balanga ang driver ng Genesis bus na may body No. 81830 na si Henry Andres ng Bongabon, Nueva Ecija at konduktor Jiobert Mojeda ng Calaguiman, Samal, Bataan. Sugatan din at nasa nasabing ospital si Marvin Amamonce ng Zambales na pahinante ng tractor head.

    Total wreck at halos lasug-lasog ang tractor head at nayupi ang unahang bahagi ng trailer truck na hila nito na umano’y may lamang mga garments mula  sa Bataan Economic Zone sa bayan ng Mariveles.

    Wasak na wasak din ang unahang bahagi kasama na ang buong windshield  ng Genesis bus kung saan diumano’y dumaang papasok ang katawan ng driver ng tractor head. Himalang walang nasaktan sa apat na pasahero ng bus.

    Isa pang pampasaherong bus ng Genesis din na may body No. 818229 na parating sa lugal ng sakuna ang sumadsad naman sa kanal at humampas ang katawan nito sa gilid ng bundok. Himalang hindi nasaktan ang driver na si Ernesto Llego ng Hermosa, Bataan ganoon din ang mga pasahero nito.

    “Nasa pabulusok at  kurbadang bahagi ako ng kalsada nang biglang bumulaga sa paningin ko ang aksidente kaya tinapakan ko ang preno ngunit hindi pumwede at aabutin din ang bus kaya umiwas ako at  kinabig kong bigla sa kanan kung saan bumahura naman ang minamaneho kong sasakyan,” sabi ni llego.

    Ipinakita pa nito ang bakas ng gulong ng  bus na sinusundan  niya na aniya’y nasa shoulder lane na.nang banggain ng kasalubong na tractor head na papuntang Manila upang diumano’y mag-deliver ng mga garments sa pier.

    “Batay sa aming imbestigasyon, ang tractor head na papuntang north na dapat ay nasa kanang lane ay biglang nag-swerve sa kaliwa at binangga ang kasalubong nitong bus na papunta namang south,” sabi ni SPO1 Salalila.

    Ayon pa sa police investigator,  sumugod si Senior Supt. Manuel Gaerlan, Bataan police director, at agad ipinalinis ang tumapon at  kumalat na langis at krudo mula sa tractor head upang maiwasan ang aksidenteng maaaring idulot ng madulas na kalsada.

    Patuloy pa rin, aniya, ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung ano talaga ang dahilan ng banggaan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here