OLONGAPO CITY —Isa ang patay, samantalang 10 ang sugatan kabilang na dito ang driver at pahinante ng isang cargo truck nang banggain nito ang isang single motorcycle at saka mahulog sa bangin sa Purok 1, National Highway, Libas, Barangay New Cabalan sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawing biktima sakay ng single motorcycle (5414-CG) na si Guido Aclan, 33,residente ng General Lim, Orion, Bataan.
Si Aclan ay dead-on-arrival sa James Gordon Memorial Hospital bunga ng mga tinamo nitong sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa imbestigayon ng traffic division, galing Maynila patungong Zambales ang cargo truck (RFY-597) na naglalaman ng alak na minamaneho ni Paquito Bonifacio, 48, ng San Carlos, Pangasinan nang mawalan ito ng preno at mabangga ang biktima at saka nalaglag ito sa bangin.
Sugatan din sina Condrado Javier, 63, at limang mga menor de edad na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay nang magulungan ng mga naglaglagang bote ng alak.
Maging ang nakaparadang motorsiklo na pagmamay-ari ni Deixel Cortez, 21, ng Barangay East Bajac-Bajac ay nawasak nang malaglagan ito ng mga bote ng alak.
Nasa kritikal na kalagayan naman sa pagamutan ang driver ng truck na si Bonifacio at ang dalawang pahinante nitong sina Emilio Ragudo, 27, at Danny Catongol, pawang residente ng San Carlos, Pangasinan.