1 patay, 1 sugatan sa barilan

    379
    0
    SHARE
    ORANI, Bataan – Isa ang patay at isa ang sugatan sa barilan Linggo ng hapon sa loob ng isang bahay sa barangay Maria Fe sa Orani, Bataan.

    Kinilala ni SPO3 Albert Manabat, chief investigator ng Orani police, ang napatay na si Jessie Rodill, 50, ng sityo Talahib, barangay Mulawin, Orani. Nagtamo diumano ito ng isang tama sa likod mula sa kalibre .45. Nakalagak ang katawan nito sa morgue ng Funeraria Punzalan kung saan binabantayan ng mga nagdadalamhating kaanak

    Isinugod naman sa Orani District Hospital ang tricycle driver na si Alberto “Benjie” Payumo, dating barangay Tanod ng barangay Pantalan Luma, Orani. May tatlong tama ito sa dalawang hita mula rin sa baril na kalibre .45.

    Nakakuha ang pulisya ng apat na basyo at isang slug mula sa kalibre .45 sa pinangyarihan ng barilan sa loob ng bahay ni Danny Nebre. Butas ang isang bahagi ng refrigerator ng mga Nebre mula sa tama ng baril.

    Sinabi ni Payumo na kasalukuyan siyang namamasada ng kanyang tricycle sa Maria Fe nang paputukan siya ng dalawang taong biglang sumulpot na sakay ng motorsiklo. Tumakbo umano siya at pumasok sa isang bahay. Wala diumano siyang dalang baril.

    Nag-abang diumano siya sa likod ng pinto at nang pumasok ang isa na may dalang baril ay nagpambuno sila. Sa pag-aagawan diumano nila sa baril ay biglang pumutok ito at tumama sa biktima. Hindi niya umano kilala ang dalawang humabol sa kanya.

    “Wala akong alam na motibo,” pahayag ng tricycle driver.

    Ayon sa Orani police investigator, batay sa kanilang pagtatanong sa may-ari ng bahay, parehong may baril ang nasugatang tricycle driver na si Payumo at ang napatay na si Rodill.

    Patuloy pa umano ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng habulan at ng barilan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here