LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nagkakaroon na ng bagong laman na tubig ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan matapos ang pitong buwan na patuloy na pagkatuyo.
Sa ulat ni Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Manuel Lukban, tinuldukan ito ng magkakasunod na malalakas na buhos ng ulan na hatid ng mga bagyong Inday at Maymay.
Naitala ang pinakamababang lebel ng tubig sa Angat Dam noong Hulyo 26, 2026 na umabot sa 150.55 meters.
Mas mababa pa ito sa 157.56 meters noong 2010 sa kasagsagan noon ng El Niño.
Nang muling tumama ang El Niño nitong unang bahagi ng 2026, nagsimula nang bumaba ang lebel ng tubig mula sa naitalang 194.98 meters noong Enero 6, 2026.
Sa pitong buwan na patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig hanggang sa matuyo ang malaking bahagi, walang mailalabas na tubig mula rito kahit mabuksan ang mga check gates sa spillway nito.

Ipinaliwanag ni Lukban na bagama’t mababa pa rin ito sa 160 meters na critical level, ang tuluy-tuloy na pag-ulan ay magpapataas pa sa lebel nito na 170 meters.
Malaki ang ginagampanang papel ng Angat Dam sa suplay ng kuryente ng Luzon at inuming tubig para sa Bulacan at Metro Manila mula nang magsimula ang operasyon nito noong 1967.
Ang mga tubig na nakukuha rito ay siyang nagpapatakbo sa Angat Hydro Power Plant na ngayo’y nasa ilalim na ng pangangasiwa ng Korean firm na K-Water at San Miguel Corporation sa bisa ng Republic Act No. 9136, otherwise known as Electric Power Industry Reform Act.
Kapag umabot sa 180 meters ang tubig sa Angat Dam, makakabalik ang Angat Dam sa minimum operation.
Base sa tala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kasalukuyang nakakapaglaan ng 260 million liters per day ng tubig ang Angat Dam para sa inuming tubig ng Bulacan at Metro Manila.
Para sa Bulacan, umaabot sa mga tahanan at mga industriya ang tubig mula sa Angat Dam sa pamamagitan ng imprastrakturang Bulacan Bulk Water Supply Project habang napapakinabangan din ito ng mga taga Metro Manila sa pamamagitan ng dalawang konsesyonaryo ng MWSS na Maynilad at Manila Water.
Umaabot din ang kanilang serbisyo sa ilang bahagi ng Rizal at Cavite. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



