UPANG BUMILIS ANG PROSESO
    CHR GL: Batas sa droga, kailangang amyendahan

    453
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Ipinanukala ng mga hukom sa lalawigan ng Bulacan na amyendahan ang Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act dahil para sa kanila, ang naturang batas ang nagpapabagal sa proseso ng pagdinig ng mga kasong ukol sa ipinagbabawal na gamot sa bansa.

    Ayon kay Atty. Jasmine Navarro-Regino, direktor ng Commission on Human Rights (CHR) sa Gitnang Luzon, ito ang hinaing ng mga hukom sa Bulacan dahil sa ang implementasyon ng naturang batas ay mismong nagpabagal sa pagdinig ng mga kasong sangkot ang ipinagbabawal na droga dahil sa pagtatalaga ng mga special drug court cases.

    Aniya, ipararating ng CHR sa mga kinauukulan na ma-amyendahan ang RA 9165 at ibalik sa lahat ng Regional Trial Courts ang pagdinig sa mga kaso ng droga tulad ng nakasaad sa dating batas na RA 6425.

    Ayon pa kay Regino, hindi lamang sa Bulacan mataas ang kasong dinidinig dahil sa droga kungdi maging sa buong Gitnang Luzon.

    Ayon naman kay Judge Manuel Ortiguerra, isa sa may hawak ng special drug court sa Bulacan, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 600 kaso ang dinidinig sa kanyang sala.

    At sa bawat araw umano ng pagdinig ay 25 kaso ang nakatakdang dinigin sa kanyang sala ngunit karaniwang umaabot lamang sa 7 kaso ang naisasalang.

    Ani Ortiguerra, bukod sa kakaunti lamang kasi ang naitalagang special drug court na didinig para sa naturang kaso, ay wala namang nailikhang special fiscal at special attorneys office na tututok sa partikular na kaso ng droga.

    Kayat aniya, ang dating dalawang taon na karaniwang itinatagal ng isang pagdinig para sa isang nasasakdal sa ilegal na droga ay umaabot na ngayon ng hanggang anim na taon.

    Matapos ang ginawang jail visitation and legal assistance ng CHR sa Bulacan kamakailan, magsusumite umano ng comprehensive report ang CHR sa kanilang pang nasyunal na tanggapan upang maisulong ang pag-aamyenda sa RA 9165.




    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here